MATAPOS ang limang buwan na rehabilitasyon ng mga puno ng cacao sa Bohol, inaasahan na muling lalakas ang produksyon ng mga tableya at tsokolate sa probinsya.
Isa ang Dalareich Chocolate House ang kauna-unahan at nag-iisang chocolate factory sa probinsya ng Bohol ang umaasa na muling lalakas ang produksyon ng tableya.
Sinimulan na ang pag rehabilitate ng mga puno ng cacao sa Bohol, matapos tamaan ang libu-libong mga puno nito ng Bagyong Odette noong nakaraang taon ng Disyembre.
Dahil sa hangaring tulungan ang mga magsasaka ng cacao at panatilihing palakasin ang industriya ng cacao sa Bohol, nagkaroon ng inisyatibo ang tinaguriang “chocolate princess” ng Bohol na si Dalareich Polot at iba’t ibang sektor na magkaroon ng mga pagsasanay sa mga magsasaka ng cacao kaugnay sa rehabilitasyon nito.
Kabilang ang Huawei na tutulong sa teknolohiyang pamamaraan sa mga magsasaka para sa rehabilitasyon ng mga puno ng cacao.
Sa pamamagitan nito, matutulungan ang mga magsasaka kung paano nila mamomonitor at malalaman ang kalagayan ng kanilang cacao gamit ang QR code, at ito ang kauna unahang teknolohiyang pamamaraan sa sektor ng agrikultura.
Ang Dalareich Chocolate House ang isa sa pitong may chocolate factory sa Pilipinas.
Umani rin ng international awards ang naturang factory.
Ayon kay Polot, nagsimula ang kanilang negosyo sa pagbebenta ng tableya ng kanyang ina para lamang makapagtapos ng pag-aaral.
Dahil sa katas ng cacao, nakapagtapos ng kolehiyo ang limang magkakapatid na Polot.
“Noong maliliit pa ang aking mga anak, natututo akong gumawa ng tableya para makapag-aral ang lima kong mga anak,dahil ang aking asawa ay tricycle driver lamang, pagkain lang ang sa kanya, at ako naman nagpapaaral sa aking mga anak,” wika ni Dalareich Polot.