IKINADISMAYA ni Sen. Pia Cayetano, senior vice chairperson ng Finance Committee sa Senado ang malakihang tapyas sa 2025 budget ng ilang pangunahing ahensiya ng gobyerno.
Sa datos para sa 2025 budget, ang Department of Health (DOH) may bawas na P25.80B; Department of Education (DepEd) binawasan ng P11.57B; Commission on Higher Education (CHED) tinapyasan ng P26.91B; at ang University of the Philippines (UP) ay binawasan din ng P641.38M.
Ayon kay Senadora Cayetano, nakababahala ang biglang pagbabago ng direksiyon sa mga pondo ng nasabing mga ahensiya.
Tila hindi na rin aniya prayoridad ng gobyerno ang kalusugan at edukasyon ng mga Pilipino.
Ang pagbawas din aniya sa pondo ay direktang makaaapekto sa publiko.
Binigyang diin pa ni Cayetano na ang kalusugan at edukasyon dapat ang nangungunang prayoridad ng gobyerno kung nais ng pamahalaan na magkaroon ng matatag at maayos na kinabukasan ang bawat pamilyang Pinoy.