Malalimang imbestigasyon laban kay KAPA Founder Joel Apolinario, ipinanawagan ng mambabatas

Malalimang imbestigasyon laban kay KAPA Founder Joel Apolinario, ipinanawagan ng mambabatas

 

WoodProfit

NANAWAGAN ng malalimang imbestigasyon si PBA Partylist Rep. Jericho Nograles laban kay KAPA Founder Joel Apolinario matapos itong mahulihan ng samu’t-saring matataas na kalibre ng baril.

 

Ayon kay Nograles, hindi sapat para sa kanya ang pagkakahuli kamakailan kay Apolinario ng mga otoridad sa isang operasyon sa Mindanao.

 

Matatandaan na libu-libong Pilipino lalo na sa Visayas at Mindanao ang naloko ng ponzi scheme ng KAPA founder sa ilalim ng itinayo nitong simbahan.

 

 

Nabatid na samu’t-saring matataas na kalibre ng armas ang nahuli kay Apolinario katulad ng M60 machine gun at iba pang high powered fire-arms kabilang ang naka-deploy na sniper sa itaas ng bahay nito.

 

Si Apolinario ay nahuli sa isang maliit na isla sa Bayan ng Lingig, Surigao del Sur kasama ang umano’y private army nito.

gamebank

 

Bunsod dito ay nanawagan si Nograles na magkaroon ng malalimang imbestigasyon kung saan nanggaling ang mga baril at kung sino ang may-ari ng islang pinagtaguan ni Apolinario.

 

“Kailangan talagang silipin ‘yan. Hanapin yung mga serial numbers na ‘yan. Kanino ba ‘yung… naka-register yan? or kung hindi  naka-register, ano ‘yung probability kungsaan galing dahil mayroon naman tayong mga linked agents sa labas ng ating bansa. Kung illegally imported ‘yan, saan po ‘yan dumaan, at malalaman at malalaman ‘yan. Ang ating isa sa mga ninanais ay ‘yung…itong si Joel Apolinario mismo, siya na ang magsasabi ng katotohanan. Sana naman siya ay magsabi na sa ating kapulisan, sa ating mga agents of justice, para malaman na natin gaano kalalim na ito. Gusto ko rin malaman sino ang may-ari ng property kungsaan sila nagtago, bakit doon sila nagtago. So, palalim nang palalim po ‘yung istorya na ito,” pahayag ni Nograles.

 

Ayon naman ng kongresista na mistulang naghahanda ang pangkat ni Apolinario para labanan ang gobyerno na taliwas sa tawag ni Apolinario sa sarili nito bilang pastor.

 

“Nasa isang isla po sila, isolated na isla po sila sa Bayan ng Lingig, sa Surigao del Sur sa Mindanao. Ibig sabihin gumawa na sila ng garrison doon at ready na silang makipagpatayan. Ang ending, dalawa po ‘yung patay at ang isa critically wounded right now. So, ibig sabihin hindi talaga ito pastor. Mukhang iba na talaga ang pinanggagawa,” aniya pa.

 

Ngayong umiiral na ang Anti-Terrorism Law, ay hindi aniya ito pangungunahan kung dapat bang ikonsidera bilang acts of terrorism ang ginawa ng KAPA.

 

“Hindi pa po natin puwede pangunahan niyan, unang-una. Although ang ating Anti-Money Laundering Council ay dapat na nilang tingnan mga known associates, ang mga bank accounts at saka mga assets nito. Meron ng freeze order ang kanilang assets pero kailangang pag-aralan ‘yung mga sanga-sanga nito dahil alam po ng lahat na maraming mga dummies na ginamit para ipairal ang iligal na negosyo, ng ponzi scheme, ng pyramid scheme na ito at kailangang malaman kung sino. May mga radio stations na ginamit, mga media outlets na binili, merong mga chopper, merong mga airplane, dahil nga umabot nga sa estimate na P50 bilyon po ang naloko nila sa taong-bayan,” ayon kay Nograles.

 

Sa huli ay pinayuhan din ni Nograles ang mga nabiktima ng KAPA na huwag nang umasa ang mga ito na may makukuha pa mula sa nasabing illegal scheme bagkus ay magparehistro na lamang sa otoridad upang malaman na sila ay kasama sa mga nabiktima ng nasabing investment scam.

 

“Para naman sa naloko dito sa investment scam na sinimulan ng KAPA, ay simple lang ho. Huwag na po kayong umasa na makakuha kayo ulit sa KAPA dahil wala na po ‘yan.Wala na po talaga ‘yung KAPA. Maraming umiikot na fake news na mababawi ninyo at mababayaran kayo ng KAPA ay hindi po ‘yan ang totoo. Ang tanging pag-asa lang po ninyo ay makukuha ninyo sa korte dito sa kaso ng syndicated estafa pero kailangan niyo po magpa-register sa mga pulis at saka sa mga law enforcers kung magkano ba ang inyong na-invest diyan para malaman nila na ikaw ay kasama sa mga nabiktima doon,” aniya pa.

 

Walang piyansa para sa kasong syndicated estafa at iba pang mga kaso laban sa KAPA founder na mahigit isang taong  nagtago sa batas.

 

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.