Malawak na pag-aaral sa microplastics, isinusulong matapos magpositibo dito ang mga bangus sa Mindanao

Malawak na pag-aaral sa microplastics, isinusulong matapos magpositibo dito ang mga bangus sa Mindanao

SUPORTADO ng BFAR ang higit pang pag-aaral sa microplastics matapos lumabas sa isang pagsusuri na nagpositibo sa microplastic ang mga bangus na nagmula sa ilang palaisdaan sa parte ng Mindanao.

Batay sa resulta ng pagsusuri ng Department of Science and Technology National Research Council of the Philippines (DOST-NRCP), lumabas na humigit-kumulang 60% ng mga sinuring bangus sa Mindanao ang nakitaan ng microplastic sa tiyan.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Nazario Briguera, spokesperson ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at head ng Information and Fisherfolk Coordination Unit ng ahensiya, hindi ito ang unang pagkakataon na lumabas ang isyu ng microplastic.

Sa kabila nito ay wala pa aniyang established fact or information sa ngayon patungkol sa impact ng microplastic sa tao.

‘’Well, sinasabi ng DOST na puwedeng makaapekto ito sa growth ng isda ‘no, pero again, ang microplastics po even sa international setting ‘no, wala pa pong kumbaga malawak na pag-aaral dito,’’ ayon kay Briguera.

Kaya naman, handang makipagtulungan ang BFAR sa iba pang ahensiya para palawakin ang pag-aaral patungkol sa epekto ng microplastic sa kalusugan ng tao.

Aniya, kailangan ng karagdagang pananaliksik sa microplastics matapos matukoy ang mga bakas ng pollutant sa ilang species ng isda partikular na ang bangus.

Kaya naman, kasama ang BFAR sa isinusulong na magkaroon ng comprehensive protocol at research studies na magagamit sa policy-making pagdating sa microplastic.

‘’Kami po ay sumusuporta doon sa sinasabi ng DOST na kailangan ay magkaroon ng harmonized protocol, sama-sama pong pagkilos ng mga institutions and organizations para po magkaroon tayo ng comprehensive information and research studies of microplastics,’’ saad nito.

Ang microplastics ay maliliit na piraso ng plastic na mas maliit sa 5 micrometers.

Hindi nakikita ang mga ito ng ating mata. Nakakapasok din ito sa loob ng katawan ng tao sa pamamagitan ng paglanghap o paglunok.

Pangunahing dahilan ng microplastic ang mga plastic na pambalot sa mga produkto na nagiging basura at napupunta sa mga kanal, ilog, patungo sa dagat.

Upang matugunan ang suliraning ito, nauna nang nanawagan si Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga sa mga malalaking korporasyon na manguna sa pangongolekta ng plastic waste.

‘’May tinatawag po tayong obliged enterprises, ito po ang mga korporasyon na 100 million ang capital and above, na talagang nagpu-produce ng packaging either sa work nila,’’ ani Sec. Yulo-Loyzaga.

Sinabi ng kalihim na lagpas 140 million plastic sachets ang inaanod sa karagatan.

Pahayag pa ni Yulo-Loyzaga, bukod sa banta na dulot ng microplastic sa kalikasan, ay banta rin ito sa kabuhayan ng mga mangingisda.

‘’Nilalason po ng mga plastic na ito ang mga palaisdaan at tsino-choke po nila ang mga coral reefs natin. Dito po nanggagaling ang livelihood ng mga mangingisda natin at ang mga isda na kinakain po natin araw-araw, ang mga isda po natin ay kumakain ng mga microplastic,’’ dagdag nito.

Kaya naman, nais ng DENR chief na kumilos ang mga kompanya para sila ang komolekta sa mga basura nilang plastic na kanilang minamanupaktura para sa kanilang produkto.

Nais din ng DENR na makolekta ng mga kompanya ang 80% ng ginawa nilang plastic pagsapit ng 2028.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble