Malawakang pagpapatigil ng foreign aid ng Estados Unidos sa ibang bansa, hindi makakaapekto sa VFA —AFP

Malawakang pagpapatigil ng foreign aid ng Estados Unidos sa ibang bansa, hindi makakaapekto sa VFA —AFP

NANINIWALA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi maaapektuhan ng inilabas na internal memo ng Estados Unidos na pagpapatigil sa mga foreign aid nito sa iba’t ibang bansa ang Visiting Forces Agreement ng Amerika sa Pilipinas.

Dagdag pa ng Armed Forces of the Philippines, tuloy pa rin ang mga pagsasanay sa pagitan ng dalawang bansa.

Ilang araw matapos na umupo bilang ika-apatnapu’t pitong (47) presidente ng Estados Unidos si Donald Trump, nagpalabas ito ng internal memo na maghihigpit sa lahat ng tulong nito sa ibang bansa.

Apektado ng naturang kautusan ang lahat ng development assistance sa military aid kabilang na ang bansang Ukraine na kung saan tumatanggap ng bilyun-bilyong dolyar para sa mga armas.

Kaugnay nito, sa isang pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi maapektuhan ng nabanggit na kautusan ang matagal nang kasunduan ng Pilipinas at Amerika kagaya ng Visiting Forces Agreement (VFA), kung saan sa pamamagitan nito ay nagsasagawa ng mga pagsasanay ang mga sundalo kagaya ng “Balikatan” exercises.

“For the side of the Armed Forces of the Philippines, we have long-standing partnerships with the U.S. and we continue with our partnership programs moving forward,” ayon kay Col. Francel Margareth Padilla Spokesperson, Armed Forces of the Philippines.

Pero dagdag naman ni Col. Padilla, ang tagapagsalita ng AFP, na may mga paglilinaw pang gagawin ang mga kinauukulan.

“That is a policy question and therefore, we defer that to higher authorities,” saad ni Padilla.

Kung matatandaan, noong nakaraang taon ay pinangakuan ng Amerika ang Pilipinas na magbibigay ito ng 500 million dollars para raw sa depensa ng ating bansa at pagpapalakas ng disaster response ng ating gobyerno tuwing may sakuna.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble