LAYON ngayon ng Immigration Department sa Malaysia na makuha ang RM3.5-B na kita ngayong taon, makakatulong rin umano ito sa ikauunlad ng ekonomiya.
Ayon kay Director General Datuk Seri Khairul Dzaimee Daud, ang kita ay mula sa mga singil, permit at passes para sa mga dayuhang manggagawa.
Inaasahan din na malaki ang kontribusyon sa koleksyon mula sa mga iligal na imigrante na nakikilahok sa repatriation recalibration program na matatandaan na pinalawig hanggang Hunyo 30.
Nitong Enero 5 ay umabot sa 178,339 mula sa 200,000 na iligal na imigrante ang nagparehistro para sa programa at ang departamento ay nakakuha ng RM100-M sa mga compound.
Bukod pa rito, ang labor recalibration program ay kumita ng RM-200 -M mula sa mga nakolekta mula sa mga deposit payment, kung saan 136,210 na aplikasyon ang naaprubahan hanggang sa kasalukuyan.
Matatandaan na noong 2019 ay nakakolekta ang immigration department ng RM4.5-B habang RM2.4-B noong 2020 at RM2.5-B naman nitong nakaraang taon.