MAAARI nang magtungo sa isang mall sa Parañaque City ang mga nais magparehistro ng National ID.
Isa si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa mga nagparehistro ng National ID sa Ayala Malls, Manila Bay matapos binuksan ito ngayong araw bilang kauna-unahang registration center ng lungsod.
Bukas sa ngayon ang naturang center para sa Step 1 at Step 2 ng registration process ng National ID at kahit hindi taga Parañaque ay maaaring makapagrehistro dito.
Pero dapat munang mag-book online para sa schedule nang maiwasan ang overcrowding.
Kabilang sa Step 1 ang pag-register ng aplikante ng kanyang demographic information at pag-validate ng supporting documents nito.
Sa Step 2 naman i-encode ang lahat ng detalye ng aplikante at gagawin ang iris scanning at fingerprinting.
Saad ni Paciano Dizon, Regional Director ng Regional Statistical Services Office ng National Capital Region walang dapat ikabahala ang publiko kaugnay sa data privacy.
“They have an interagency committee on this headed also by the DICT and also we have experts on this I think base on our talks in the central office we will make sure and the PSA is doing everything na ma-secure ang data dahil isa yan sa mga pinakamabigat na mangyayari the breach ng ating data privacy but rest assured we are doing everything to ensure the security of our data,” pahayag ni Dizon.
Dagdag ni Dizon dapat makakuha na ang lahat ng mamamayang Pilipino ng National ID dahil pabibilisin nito ang lahat ng transaksyon lalo na mga pampubliko.
Malaki rin ang maitutulong ng pagkakaroon ng National ID ng lahat ng residente ng Parañaque ayon kay Olivarez.
“For LGU like the City of Parañaque a National ID system will also be helpful in planning and launching targeted programs intervention because we can now rely on more accurate and more comprehensive demographic data from the PSA,” ani Olivarez.
Nilinaw naman ni Dizon na walang katotohanan ang pinapakalat na messages at posts patungkol sa deadline ng National ID registration.
“This is a continuous process. So, ang target natin 2022 matatapos ito. We will not stop until all Filipinos and resident aliens here in the Philippines are registered,” dagdag ni Dizon.
(BASAHIN: Parañaque Mayor Olivarez, pagpapaliwanagin sa pagpapabakuna ni Mark Anthony Fernandez)