MAARI nang isagawa sa darating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang Mall voting ayon sa Commission on Elections (COMELEC).
Opisyal nang nilagdaan ng COMELEC araw ng Lunes Agosto 7, 2023 ang memorandum of agreement (MOA) kasama ang SM Supermalls at Robinsons Malls para sa nalalapit na BBSKE sa Oktubre 30.
Ang nasabing MOA signing ay magbubukas sa kauna-unahang mall voting sa bansa.
“Wala naman po sigurong masama na ang COMELEC ay mag-iba naman ng pamamaraan alang-alang sa ikagaganda ng electoral process natin,” ayon kay George Erwin M. Garcia, Chairman, COMELEC.
Sa ilalim ng kasunduan ay magiging venue ang piling branches ng SM at Robinsons Mall para sa kauna-unahang mall voting ng mga kwalipikadong botante para sa BSKE.
Ayon kay COMELEC chairman George Erwin M. Garcia na layon ng nasabing hakbang na mas mapagaan, maging maginhawa at mabigyan ng maayos na seguridad ang pagboto ng mga botante ngayong darating na halalan.
“Kauna-unahan po ito sa ating bansa noong 2016 sinubukan na po ng COMELEC hindi po naituloy, ito po tayo ay nag-a-attemp muli na magkaroon ng mall voting, ito po ay para sa mga nakatatanda, sa mga may kapansanan sa ating mga kababayan na mga heavily pregnant women at sa lahat ng mga gusto po na mag-avail ng pagboto sa mall kombinyente maayos at the same time masisigurado natin protektado at secured ang kanilang pagboto,” dagdag ni George Erwin M. Garcia.
Dagdag pa ni Garcia, kung magiging matagumpay ang kauna-unahang mall voting ngayong darating na Oktubre ay magiging nationwide na ang pag-implementa nito sa mga mall sa bansa.
“Hopefully po maging successful tayo sa launched natin na to, sa pilot testing ng mall voting sa susunod na election ng 2025 sa buong bansa. Lahat ng malls gagamitin na natin para maging mas kaaya-aya ang pagboto ng mga kababayan natin,” ani Garcia.
Sa ngayon tigli-limang branches pa lang sa bawat nabanggit na mall ang maaring puntahan ngayong eleksiyon.
Ito’y mga lugar ng SM City sa Legazpi City Albay, SM City Consolacion Cebu City, SM City North sa Quezon City, SM City Manila at SM City Sucat sa Parañaque.
Habang sa Robinsons naman ay sa mga lugar ng Robinsons Metro East sa Pasig City, Robinsons Las Piñas, Robinsons Manila, Robinsons Magnolia sa Quezon City, at Robinsons Galleria sa Cebu City.
Kaugnay nito, sinabi ni Garcia na maliban sa mabibigyan ng maayos na lugar ang mga botante sa darating na halalan, mapipigilan din aniya nito ang vote buying at karahasan.
“Hopefully po, alam niyo naman sa pagboto sa mga paaralan minsan ginagamit pa ang mga bata sa pagdi-distribute ng mga election paraphernalia, hindi rin maiiwasan sa labas mismo ng paaralan nagpapakain ay inaabot kahit na bawal na bawal ‘yan ngayon po dito sa pagboto sa malls. Hopefully masusubukan natin paano sila makakapamili kung nandito sa loob mismo ng malls kung dere-deretsong boboto ang mga kababayan natin kung sisigurihin natin na walang puwedeng basta-basta mag engganyo sa kanila o pumigil o manakot sa kanila. Sa aking palagay magiging komportable ang kanilang pagboto safe and secured,” aniya.