BUKAS para kay Deputy Speaker Bernadette Herrera ang rekomendasyon ng dalawang Food and Drug Administration (FDA) officers na tanggalin ang ban sa produksyon ng Ivermectin.
Ayon sa mambabatas, isang magandang hakbang ito sa pagtanggap sa Ivermectin bilang alternatibong gamot laban sa COVID-19.
(BASAHIN: Gamot na Ivermectin, hayaang suriin ng health experts —Sen. Go)
Anito, makatutulong ito sa mga kababayang naghahanap ng abot-kayang gamot gayong mas mura ang Ivermectin na nagkakahalaga lamang ng P35 kada piraso kumpara sa Remdesivir na aabot sa P28,000 kada vial.
Kamakailan lamang nang ihain ni 1Pacman Rep. Enrico Pineda ang HR No. 1684 na layong manghingi ng paliwanag sa FDA kung bakit ipinagbabawal ang human consumption ng Ivermectin bilang panlaban sa COVID-19.
Magugunitang nagbabala ang Department of Health (DOH) at FDA laban sa paggamit ng Ivermectin na isang veterinary product na orihinal na ginagamit panlaban sa heartworm disease at panggamot sa internal at external parasite sa ilang mga hayop.
Samantala, umapela si House Speaker Lord Allan Velasco sa Department of Health na agad na isapubliko ang mga gamot na maaring magamit bilang panlaban sa COVID-19.
Giit ni Velasco, sa patuloy na paglobo ng kaso ng virus sa bansa, desperado na ang publiko na makahanap ng alernative remedies at lunas para dito.
Kaya naman nararapat lamang aniya na madaliin na ng DOH at FDA ang clinical trials sa mga gamot gaya ng Ivermectin upang malaman kung epektibo ito o hindi bilang prevention at treatment sa COVID-19.
Pagbibigay-diin ng mambabatas, kinakailangan na ng mas proactive regulatory approach upang matugunan ang nararanasang health krisis.
(BASAHIN: WHO, nagbabala sa paggamit ng Ivermectin sa tao vs COVID-19)