Mambabatas, muling ihinirit ang pagpaparehistro ng social media accounts

Mambabatas, muling ihinirit ang pagpaparehistro ng social media accounts

INIREREKLAMO ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves ang laganap na online bashing sa Pilipinas sa pamamagitan ng social media.

Sa privilege speech nito noong Lunes, mukhang sumusobra na aniya ang demokrasya sa bansa.

Aniya, panahon na sigurong magkaroon ang Pilipinas ng batas na magmo-monitor at mare-regulate nito.

Testimonya pa ng kongresista, siya mismo ay mayroong mga basher.

Dahil dito, muling inihirit ni Teves na sana’y maipasa ang kanyang panukalang batas na House Bill No. 129 o ang Social Media Registration Bill.

Sa naturang panukala na naka-pending pa sa Committee on Public Information simula pa noong July 2022, kinakailangang magsumite ang isang indibidwal ng valid identification cards para mairehistro ang kanilang social media account.

Wala namang partikular na kaparusahang nakasaad sa panukala para sa mga indibidwal na bigong patotohanan ang kanilang mga account.

Follow SMNI NEWS in Twitter