PINAYUHAN ng isang senador ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na dapat kumbinsihin ang kanilang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) na magpabakuna na.
Sa budget deliberation kahapon ng DSWD ay pinayuhan ni Senator Francis Tolentino ang ahensya na maglatag ng plano kung paano nila makukumbinsing magpabakuna ang mga nasabing benepisyaryo ng pamahalaan.
Sa isinagawang pagdinig ng Senado para sa panukalang budget ng DSWD para sa susunod na taon ay hindi sinang-ayunan ng mambabatas ang naging suhestyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na tanging bakunadong 4Ps beneficiary lamang ang dapat tumanggap ng buwanang ayuda mula sa gobyerno.
Sa datos na inilabas ni Tolentino, halos 16 % palang na mga benepisyaryo ang nakatanggap ng COVID-19 vaccine.
Tiwala naman ang senador sa kakayahan ng DSWD sa pangunguna ni Secretary Rolando bautista na makapagbibigay ito ng plano upang hikayatin ang mga 4Ps family na magpabakuna.
Ani Tolentino, maaari magbigay ng ilang mga insentibo ang ahensya o di kaya’y magkaroon ng tie-up sa pagitan ng DSWD at Department of Health (DOH) upang makabuo ng isang mas makabuluhang programa ng pagbabakuna para sa mga benepisyaryo.
Nasa Php200 billion ang proposed budget ng DSWD para sa susunod na taon.
Aprubado na sa plenary ni Vice Chairman of Senate Committee on Finance na Si Senator Imee Marcos ang pondo ng ahensya para sa 2022.