NAGBABALA ang Malakanyang sa mga mananamantala sa sitwasyon kasunod ng pananalasa ng Bagyong Odette.
Inihayag ng Malakanyang na sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lugar na tinamaan ng Bagyong Odette, ay may ibinigay itong mga direktiba sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Acting Presidential Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa Department of Energy, Department of Trade and Industry at iba pang concerned agencies na tingnan at imonitor ang ilang mga isyu at problemang umuusbong sa typhoon-affected areas.
Kabilang na aniya rito ang isyu ng overpricing o report na dumodoble na ang presyo ng mga bilihin.
Nagbabala naman ang Malakanyang sa mga indibidwal at mga negosyante na sinasamantala ang sitwasyon ng mga sinalanta.
Sinabi ni Nograles na mayroon na aniyang instruction o utos ang Punong Ehekutibo pagdating sa implementasyon at pagpapatupad ng mga umiiral na batas at polisiya sa panahon ng kalamidad.
Nakiusap din ang Malakanyang sa lahat lalung-lalo na sa panahon ngayon ng Pasko, na huwag pagsamantalahin ang kalagayan ng mga kababayang Pilipino na naghihirap ngayon dahil sa pinsalang dala ng nagdaang bagyo.
Samantala, lubos ang pasasalamat ng malakanyang sa Metro Manila mayors na nag-apruba ng supplemental budget sa pamamagitan ng isang resolusyon.
Ayon kay Nograles, nagkakahalaga ng P100 million ang naturang pondo para tulungan ang mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Odette.
Bukod sa local officials, pinasalamatan din ng Palasyo ang mga kaibigan sa international community, partners at allies sa alok na tulong ng mga ito.
Ito ay kinabibilangan ng mga bansang Australia, Canada, China, kasama ang European Union, France, Japan, United Kingdom, United States of America maging ang United Nations, State of Qatar at iba pa.
Sa gitna ng trahedya, ani Nograles, dito nakikita na buhay na buhay ang bayanihan spirit sa lahat kung saan lahat ay kumikilos para manumbalik ang sigla ng mga lugar na sinalanta.