Mandatory drug test sa mga drayber at konduktor ng isang bus company sa Butuan, ipinag-utos

IPINAG-utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa CARAGA Region (LTFRB-13) ang mandatory drug test ng lahat ng drayber at konduktor ng Bachelor Express, Inc. sa Butuan City.

Ito’y matapos mahuli ang dalawang konduktor ng nasabing bus company na nagbebenta ng iligal na droga.

Kasabay rin dito ang  sunod-sunod na aksidente na may kaugnayan sa mga drayber ng kaparehong kompanya na ikinasawi ng isang motorcycle driver.

“Last February 7, they (BEI-Butuan) had two conductors caught peddling drugs in a buy-bust operation and then we have these series of accidents involving their drivers,” ayon kay LTFRB-13 OIC-Regional Director Maria Kristina E. Cassion.

Binigyan din ng direktiba ni Cassion ang kompanya na magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng bus nito para sa motor vehicle worthiness.

Maliban dito, ipinasailalim din ang lahat ng drayber  ng BEI-Butuan sa Public Utility Drivers Academy Program (PUDAP) refresher course on road safety.

Samantala, isasailalim ang mga konduktor sa Basic Information Training on the Role of Conductors in the Public Transportation Industry.

Tiniyak naman ng BEI-Butuan na tatalima at makipagkooperasyon ito sa direktiba ng LTFRB-13.

SMNI NEWS