KASABAY ng pag-obserba sa ika-44 na anibersaryo ng National Reservists Week na magtatapos sa huling araw ng Setyembre taong kasalukuyan, ay patuloy ngayon ang paghikayat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga Pilipino na sumali sa reserve force ng bansa.
Layon nitong mas mapalakas pa ang security posture ng Pilipinas upang maging handa sa anumang banta sa seguridad o maging sa kalamidad.
Inihayag din ng kasundaluhan na hindi sila nahihirapan sa pag-recruit ng mga nais pumasok sa reservists.
Ito’y dahil maraming mga Pilipino ang nagmamahal sa bayan na nais mag serbisyo nang walang kapalit.
Ngunit ang problema sinabi ni MGen. Joseph Ferrous Cuison, commander ng Naval Reserve Command na kulang sa pondo at pasilidad ang AFP para ma-accommodate ang mga nais maging reservist.
“Sabi ko nga gusto na rin namin palakihin talaga kaya lang ‘yun nga depende pa rin sa funding kung madadagdagan.”
“How do we encourage ‘yung citizens to join in the reservists I don’t think there’s a problem with that this past few years we’ve seen resurgence of volunteers to join the reserve force,” pahayag ni MGen. Joseph Ferrous Cuison, Commander, Naval Reserve Command.
Kaya nanan sinabi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na ang pagpapatupad ng mandatory ROTC ang solusyon upang mas mapalawak pa ang proseso sa pag-recruit ng mga reservist.
“Madevelop itong ating reserve units so jan ang dereksyon natin na pupuntahan na ating tinatahak na dereksyon,” saad ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, Senate of the Philippines.
Ginawa ng senador ang nasabing pahayag matapos ang ginawang ROTC Games 2023 Luzon Leg na ginanap sa Cavite State University sa Indang Cavite nitong Sabado na nilahukan ng iba’t ibang colleges at universities mula sa Regions 1, 2, 3, CALABARZON, MIMAROPA, at Region 5.
Sakaling maipatupad sa buong bansa ang mandatory ROTC, hindi bababa sa 2 million ang maililista o maidadagdag bilang reservist.
Sa ngayon kasi base sa tala as of June 2023, mahigit isang milyon na ang Reserve Force ng AFP, sa nasabing bilang mahigit 900 libo ang Army Reserve, mahigit 64 libo naman ang Air Force Reserve, nasa mahigit 245 libo naman ang Navy/Marines Reserve habang nasa mahigit 10 libo naman ang Technical Administrative Reserve.
Sa huli sinabi ni Senator dela Rosa na sisikapin nilang maipasa sa senado ang mandatory ROTC bago matapos ang 19th Congress.
“Kung kakayanin natin this year mas maganda, pero kung hindi natin kakayanin this year basta bago matapos itong 19th congress maisabatas natin ‘yan” ani Dela Rosa.