DISMISSED na mula sa kaniyang posisyon bilang Mandaue City, Cebu Mayor si Jonas Cortes batay sa desisyon ng Office of the Ombudsman.
Sa desisyon, nakitaang guilty ng Grave Misconduct si Cortes dahil sa umano’y pagpapatuloy ng operasyon ng Suprea Phils. Development Corp, isang planta ng concrete mix cement sa Brgy. Labogon, Mandaue City mula 2020 hanggang 2022.
Ito’y kahit walang sapat na business permit, sanitary permit at clearance ang nabanggit na planta.
Ayon sa Ombudsman, may kapangyarihan si Cortes na kontrolin ito ngunit hinayaan lang anila ito ng Mandaue City, Cebu Mayor.
Tanging utos ng pagsasagawa ng inspeksiyon lang ang ginawa ni Cortes dito at hindi pagpapahinto.
Bago ang dismissal na ito ay suspended na si Cortes simula noong Agosto 2024 dahil umano sa pagkatalaga ng isang hindi kwalipikadong officer-in-charge sa City Social Welfare and Services.