Manggagawa na nakararanas ng harassment sa trabaho, lumapit sa DOLE

Manggagawa na nakararanas ng harassment sa trabaho, lumapit sa DOLE

PANG-aabuso, pagmamaltrato, pang-aapi – ilan lamang ito sa madalas na naririnig natin sa mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs).

Pero alam niyo ba na hindi lamang ang mga kababayan natin sa ibayong dagat ang nakararanas ng ganitong klaseng harassment sa kanilang workplace dahil pati na rin ang mga manggagawa na nasa Pilipinas dumaranas din nito.

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na maayos na gumagana ang programa ng DOLE na may kinalaman sa karahasan partikular na sa mga kababaihan.

Dagdag pa ng Labor Chief, hindi lang naman kasi ang batas ng Pilipinas ang nakatutok sa ganitong mga problema ng mga manggagawa sa kanilang trabaho.

Sa katunayan, aniya, may mga programa ang DOLE na nakatutok para dito.

Madalas ang nasasangkot sa panggigipit at karahasan ay mga kababaihan.

Sa kabila nito, tiniyak niya na ang kanilang mga programa ay walang pinipiling kasarian. Lahat, aniya, ay puwedeng matulungan nito.

“Matuon po ang pagpapatupad ng programa ng DOLE, may kinalaman sa gender. Ano man ang gender, ano man ang kasarian, all-inclusive po. Open po ang programa ng DOLE para sa kanila,” ayon kay Sec. Bienvenido Laguesma, DOLE.

Pinapayuhan din ni Laguesma ang mga manggagawa na hindi na dapat magkaroon ng pag-aaway sa kanilang workplace kung nakatuon sa trabaho at kung mayroong problema sa kanilang pamilya ay huwag itong dalhin sa trabaho.

Pinapayuhan din ni Laguesma ang mga manggagawa na nakararanas ng panggigipit sa trabaho at hindi dininig ng Human Resource Department (HRD) sa kanilang kumpanya ay bukas ang mga tanggapan ng DOLE sa iba’t ibang rehiyon sa bansa para umasiste sa kanila.

“Regional office, kasi merong magiging component ng pagpapatawag ,puwedeng magkaroon ng pagdinig ,puwede ring magbunga ng kasuhan, kung hindi po magkasundo. Kailangan magabayan ng tama ‘yung ating magrereklamo o kaya nangangailangan ng tulong ng Department of Labor and Employment, kaugnay po dito sa usapin ng harassment, violence sa kanila sa oras ng pagtatrabaho,” dagdag pa nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble