PERSONAL na bumisita si Senator Christopher ‘Bong’ Go sa makulay na selebrasyon ng Manggahan Festival sa Jordan, Guimaras at volleyball tournament sa lalawigan.
Taun-taon ipinagdiriwang ang Manggahan Festival sa Guimaras kasunod ng pagbibigay plataporma para sa mga magsasaka, negosyante, at artisan upang ipakita ang kanilang mga talento, produkto, at kultura sa publiko.
Pinuri ni Go ang lokal na komunidad sa pagpapakita ng kanilang kultura na pamana habang isinusulong ang mga produkto nito tulad ng kanilang mga lokal na ani ng mangga kung saan sikat o mas kilala ang Guimaras, nakibahagi rin ito sa pagdiriwang ng ‘Mango Eat All You Can’ at nangakong magsisikap na isulong ang lokal na industriya.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, nag-organisa rin ng volleyball tournament kung saan ipinakita ni Go, bilang chair ng Senate Committee on Sports, ang kaniyang suporta sa mga kalahok na atleta.
Sa kaniyang maikling talumpati, binigyang-diin ng senador ang kaniyang hilig sa isports at ang kaniyang paniniwala sa kakayahan nitong pagyamanin ang pagkakaisa at pagtutulungan lalo na sa mga kabataan.
“Kung mayroon kayong mga pangangailangan sa mga grassroots sports program tulad ng volleyball, magsabi lang po kayo sa aking opisina at handa po akong tumulong sa inyo sa abot ng aking makakaya. Dahil isa po ito sa pamamaraan na ilayo natin ang mga kabataan sa masasamang bisyo tulad ng ilegal na droga at magabayan sila na maging mga responsableng mamamayan,” saad ni Sen. Bong Go.
Binigyang-diin ng senador na ang pagsuporta sa sektor ng palakasan ay hindi lamang tungkol sa pagkapanalo ng mga medalya kundi pati na rin sa pagtataguyod ng pakikipagkapwa, disiplina, at pagpapahalaga sa mga atleta.
Sa pamamagitan ng pamumuhunan sa palakasan, ipinahayag ni Go na magagamit ng bansa ang potensiyal ng mga mahuhusay na atleta nito, na magbibigay-inspirasyon sa mga susunod na henerasyon at pagyamanin ang isang mas malakas, mas nagkakaisang mamamayan.
Nais ni Go na mailayo ang mga kabataan sa ilegal na droga sa pagpapatuloy na kampanya ng dating administrasyong Duterte sa pamamagitan ng panghihikayat sa mga kabataan na sumali sa isports kaya namamahagi rin ito ng mga bola sa basketball at volleyball.
“Gusto ko pong ipagpatuloy ‘yung kampanya ni (dating) Pangulong Rodrigo Duterte na labanan ang ilegal na droga sa pamamagitan po ng pag-engganyo sa mga kabataan to get into sports, stay away from drugs while keeping a healthy and fit lifestyle. Namimigay rin tayo ng bola pang-basketball at volleyball para engganyuhin po ang mga kabataan na makilahok sa laro at ilayo sila sa ilegal na droga,” dagdag ni Sen. Go.
Kasunod ng Manggahan Festival, naglaan din ng panahon si Go para magsagawa ng monitoring visit sa Malasakit Center sa Dr. Catalino Gallego Nava Provincial Hospital (DCGNPH) at nagbigay ng tulong sa mga pasyente at frontliners nito.
Kaugnay nito, nagbigay paalala rin si Sen. Go na huwag maging kumpiyansa at mag-ingat pa rin sa COVID-19.