‘Manghihilot’, dapat isailalim sa official basic trainings certification

‘Manghihilot’, dapat isailalim sa official basic trainings certification

HINIMOK ng Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care (PITAHC) ang ating mga kababayang manghihilot na magparehistro upang sumailalim sa official basic trainings certification at maitaguyod ang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa ating lipunan.

Isa sa mga sinaunang kagawian at kultura nating mga Pilipino ang hilot.

Sa kabila ng pagiging moderno ng ating panahon ang ilan sa ating mga kababayan ay mas pinipili pa rin ang tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot kaysa makabagong medisina.

Sa kauna-unahang press briefing ng PITAHC na ginanap mismo sa kanilang tanggapan, binigyang-diin ni Director General Dr. Annabelle-Pabiona de Guzman ang kahalagahan ng pagpaparehistro ng Filipino traditional healers upang masiguro na ligtas, tama, at epektibo ang pagsasagawa ng ganitong klaseng mga panggagamot.

Ayon pa kay Director De Guzman, mas epektibo pa ang mga herbal at traditional medicines kumpara sa mga synthetic.

Isinusulong ngayon sa Kongreso ng attached agency ng Department of Health (DOH) ang Republic Act 8423 (Traditional and Alternative Medicine Act (TAMA) of 1997) na layuning mabigyan ng karampatang parusa ang sinumang magsasagawa ng panghihilot na hindi sertipikado at rehistrado sa PITAHC.

Dagdag pa ng nasabing ahensiya mas mabibigyan ng ligtas, de kalidad at mapagkalingang serbisyo ang mamamayang Pilipino kung maaamyendahan ang TAMA Law.

Kaugnay rito, nakatakdang ilunsad ng PITAHC ang kauna-unahang Seal of Excellence Awards bilang pagkilala sa iba’t ibang local government units (LGUs), DOH Regional Offices at DOH Accredited Hospitals na nagtataguyod at nagsusulong ng kaalaman sa paggamit ng mga alternatibong paraan ng panggagamot at pagtangkilik ng mga tradisyunal na medisina.

Ngayong araw, Hulyo 6, 2023 ay isasagawa ang nasabing parangal at inaasahang magtuluy-tuloy ang ganitong mga programa na nakikipag-isa ang mga lokal na sektor sa ahensiya ng pamahalaan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter