Manila City Hall, nagbawas ng tauhan dahil sa banta ng COVID-19

BINAWASAN ng mga tauhan ang ilang mga opisina sa Manila City Hall sa 30% workforce na lamang dahil sa banta ng COVID-19 sa lungsod.

Ipinahayag ito Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang pag-iingat sa lumalalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.

“Babalik tayo sa pagbabawas ng mga tao sa city hall para precautionary measure, and I believe in you na kahit konti lang tayo, makapag-function tayo efficiently,” ayon kay Domagoso.

Ayon sa datos ng Manila Health Department (MHS) hanggang kahapon, Marso 14, umabot ang aktibong kaso ng COVID-19 sa 1,549 matapos itong madagdagan ng bagong 270.

(BASAHIN: 2 barangay at 2 hotel sa Maynila, isasailalim sa lockdown)

Naitala rin ang 219 bagong gumaling dahilan upang umabot sa 28,451 ang kabuuan nito.

Wala namang naitalang bagong nasawi kahapon.

Ang hindi kabilang sa 30% workforce policy ay mga tauhan sa anim na district hospital, Manila Disaster Risk Reduction Management Office, Deparment of Public Services, Manila Traffic and Parking Bureau, MHS, at Manila Department of Social Welfare.

Inatasan din ni Mayor Isko ang Manila Police District chief Brig. Gen. Leo Francisco na ikansela ang mga nakatakdang mag-leave maliban na lamang sa may ugnayan sa medikal, upang matugunan ang kasalukuyang sitwasyon ng lungsod.

Personal namang bibisitahin ni Domagoso para sa random inspection ang lahat ng 897 barangay sa lungsod.

Nangako rin si Domagoso na hindi ito magdadalawang-isip na sibakin ang mga opisyal na pabaya sa kanilang trabaho.

SMNI NEWS