Manila LGU, naghahanda ng engrandeng pa-homecoming parade para kay Carlos Yulo

Manila LGU, naghahanda ng engrandeng pa-homecoming parade para kay Carlos Yulo

NOT one, but two gold medals nga ang nakuha ng 24-anyos na gymnast Olympian medalist na si Carlos Yulo sa 2024 Paris Olympics.

Si Yulo ang kauna-unahang Pilipino na nagkamit ng 2 medalyong ginto sa Summer Games.

Si Carlos Yulo ay ipinanganak at lumaki sa Leveriza, Malate Maynila.

“Caloy” kung tawagin siya ng kaniyang pamilya.

Pitong taon pa lang ito ay mahilig na umanong tumambling si Carlos ayon sa kaniyang Lolo Boy o Tito Boy kung kaniyang tawagin.

Mula pagkasilang at paglaki ni Carlos ay si Tito Boy na ang nag-alaga dito.

‘‘Noong pinanganak siya, gusto ko talaga subaybayan sa araw-araw, ‘di ko ma-explain ang kasiyahan, isang buwan o dalawang buwan pinapasyal ko ‘yan, umaga at hapon kasi mahilig din ako sa bata. 7 years old siya thumbling ng thumbling, may ginagayang bata na naglalaro sa Palarong Pambansa, nakakamedal din, ginagaya nila.. pinapabayaan ko naman pero tinitingnan ko rin kasi baka madisgrasya. One time may competition dito sa Rizal Memorial. Malaki, lagi kaming nanonood ng iba’t ibang sports, swimming, track and field,’’ ayon kay Lolo Boy, Lolo ni Carlos Yulo.

Ang kaniyang Lola Angel, ang nanay ng ina ni Carlos sinabi namang mabait at tahimik na bata lang ito.

Ikinuwento rin nito na naging mas pursigido ang kaniyang apo na manalo sa Olympics nang matalo ito sa nakaraang kompetisyon na sinalihan niya.

‘‘Si Caloy noong bata, masunurin ‘yan, malambing, kahit anong sabihin mo sa kaniya, oo lang nang oo lang ‘yan. Wala kang maririnig na angal diyan. Talagang masunurin si Caloy. Mabait, walang kibo ganun,’’ ayon naman kay Lola Angel, Lola ni Carlos Yulo.

‘‘Noong natalo siya sa world, siguro nagsisi siya, pinagsisihan niya. Tapos ayon nagpursige na siya na kailangan pagdating ng 2024 makuha ko talaga ang Olympic na ito. Ayon, siguro nais din siya sa sarili siya na talo siya. Ganun,’’ dagdag pa ng kaniyang lola.

Sa pagkamit nito ng dalawang gintong medalya, ay milyun-milyong incentive ang naghihintay sa pagbabalik niya sa bansa.

Sa ngayon ay mayroon na itong matatanggap na 32-M cash incentive mula sa national government at private companies maging ng condo unit.

Ang Manila LGU ay nangako ring magbibigay ng cash incentive para kay Carlos Yulo.

Maliban diyan ay naghahanda sila sa isang grand homecoming parade para dito.

‘‘Naghahanda tayo ng grand homecoming parade para kay Carlos Yulo to give honor doon sa dalawang gold medal na nakamit niya bilang Anak ng Maynila, laking Maynila at graduate ng mga pampublikong paaralan ng lungsod ng Maynila pati Adamson University,’’ saad ni Atty. Princess Abante, Spokesperson, Manila LGU.

Pinapalano ng lungsod na magkaroon ng parada. Para makita rin ng mga kabataang Manilenyo ang isang Carlos Yulo kung paano naging determinado, nag-training at naging matagumpay.

Lolo at Lola ni Carlos Yulo, sabik nang dalawin sila ni Carlo sa pagbabalik nito sa bansa

Ang kaniyang lolo at lola, sinabi naman na masaya na sila kung dadalawin sila ni Caloy.

Kung mayroon man daw na problema sa pagitan nito at ng mama niya ay sana magkapatawaran sila.

‘‘Wala kaming ine-expect kay Caloy. Basta ang iniisip lang namin, sana maalala niya ang mama niya, matututo siyang humingi ng tawad kung anuman ang ginawa niyang kasalanan sa mama niya.’’

‘‘Hindi kami nage-expect na mababahaginan kami kasi kung meron man, salamat kung wala, salamat pa rin. Laki naman kami sa hirap,’’ ayon pa kay Lola Angel.

‘‘Wala kaming ine-expect doon, kung bigyan kami, thank you, kung hindi bahala na siya, nasa edad na siya. 24 na siya eh. We are very very proud…’’

‘‘Lahat ng oras, inaasahan namin siya na pupunta, kay nanalo siya o natalo siya, gusto namin siyang bumalik dito dahil 16 years ko siyang inalagaan at lahat sila ay mahal ko. Alangan naman na hindi ko i-wish na hindi siya bumalik dito. Sobrang hirap… Huwag na nating sabihin ‘yon, talagang sinilang siya nakita o ‘yong atensyon ko binuhos ko sa kaniya. Tumigil nga ako sa trabaho para lang mabuhos ko ang atensyon ko sa kaniya. Nagtagumpay naman. Anytime. Kesyo natalo o nanalo siya gusto kong siyang pumunta dito,’’ ayon naman kay Lolo Boy.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble