BUKAS si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na palalawigin pa ang enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) Plus kung kinakailangan.
“Kung kinakailangang i-extend based on data, dapat nating i-extend because we value life,” pahayag ni Domagoso.
Aniya, mas mahalaga ang buhay kaysa maapektuhang pangkabuhayan ng marami.
“At the end of the day, the way I look at it, what matters most is life,” ani Isko.
Maliban kay Mayor Isko, suportado rin ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang rekomendasyon ng Department of Health (DOH) na palawigin ng isang linggo ang ECQ sa Metro Manila at na karatig probinsiya.
Ani Zamora, maaring masayang lang ang isang linggong ECQ kung aalisin na ito sa Abril 5.
Payo ni Zamora, dapat tingnan sa Sabado ang kasalukyang bilang ng kaso ng COVID-19 bago magdesisyon sa magiging status nito sa Abril 5.
Sa ngayon, mayroon pang 683 na aktibong kaso ng COVID-19 ang San Juan City.
Matatandaang, muling sumipa ng lampas 9,000 ang kaso ng COVID-19 base sa pinakahuling update ng DOH.
Nakaraang Sabado ay nakapagdesisyon si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ilagay ang National Capital Region (NCR) at ang mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal sa ilalim ng ECQ mula Marso 29 hanggang Abril 4.
Nanawagan naman ang ilang grupo na palawigin pa ang ECQ upang maiwasan na bumagsak ang sistema ng healthcare at ibaba ang bilang ng COVID-19 cases na karamihan ay naitala sa NCR.
“Ngayon binabalanse pa natin, kailangan yung buhay at kabuhayan patuloy pa ring tumatakbo because kapag nawalan ng oportunidad ang taong kumita, magugutom,” ayon kay Isko.
Hanggang Marso 30, umabot na sa kabuuang 124,680 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa ayon sa DOH.