PAGAGANAHIN ng Philippine National Police (PNP) ang Task Force Manila Shield bago ang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30.
Ayon kay PNP director for operations Police Major General Valeriano de Leon, layunin ng Manila Shield na tiyakin ang maximum security para sa constitutional at historic oathtaking ng susunod na pinakamataas na opisyal sa bansa.
Bahagi nito ang paglalagay ng mga checkpoint at chokepoint sa lahat ng entry point sa lungsod ng Maynila sa loob ng 3 sunod na araw, simula sa Hunyo 28, at ang mahigpit na pagpatutupad ng gun ban, na magsisimula sa Hunyo 27 sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni De Leon na inatasan din ang mga police commander sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan na paigtingin ang intelligence gathering na tututok sa monitoring at preemptive strikes laban sa threat groups.
Ito ay sa gitna ng mga ulat na may mga grupong nagbabalak na isabotahe ang inagurasyon ni President-elect Marcos.
Nabatid na mahigit 15,000 pulis, sundalo, tauhan ng Coast Guard, at iba pang force multipliers ang ipakakalat upang matiyak ang seguridad ng makasaysayang aktibidad.