WALANG katotohanan ang mga pinagsasabi ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan sa isang panayam nito kamakailan tungkol sa totoong nangyari sa bentahan ng Divisoria Market.
Ito ang pagbibigay diin ng Divisoria Public Market Credit Cooperative sa isang press conference nito sa Maynila ngayong araw.
Ayon kay Emmanuel Plaza, Chairman ng Paralegal Services ng grupo, walang kinalaman ang dating mga Mayor ng Maynila sa bentahan ng Divisoria Market.
Dagdag ni Plaza na hindi rin daw magkakaroon ng kapangyarihan si Moreno na ibenta ang nasabing lugar kung hindi binigyan ng kapangyarihan ng konseho ng Maynila sa pamamagitan ni Vice Mayor Lacuna.
Pinasinungalingan rin ng grupo na wala ng kontrol ang Manila LGU sa naturang palengke dahil simula noong 1992 hangang October 2021 aniya ay may representante ang city hall upang mamahala doon at mangolekta ng mga fees.
Mayroon aniya silang mga pinanghahawakang resibo na kanilang pinagbabayaran dito.
Muling iginiit ng ilang Divisoria Market Vendors, lugi na lugi ang lungsod sa pagbenta ng palengke dahil ayon sa Deeds of Absolute Sale, pinagbili ang Divisoria Market sa halagang P13,000.00/ square meter.
Anila, umaabot ng P26,000.00 bawat taon ang kabuuang binabayad ng bawat tindahan sa city hall.
Ang sukat ng bawat tindahan mayroon 2.25 square meters.
Ang ibig sabihin naibenta ang bawat tindahan sa halagang P29, 500.00 pesos lamang.
Anila na ang P26,000.00 na collection ng city hall sa mga manininda taon-taon, pinagpalit sa halagang P29.500.00 na bentahan ng bawat puwesto.
Ayon pa sa grupo na walang katotohanan na dumaan sa tamang proseso ang bentahan sa Divisoria Market, dahil hindi nagkaroon ng public hearing at hindi rin kinonsulta ang mga vendors sa bentahan ng public market.
Manila City Government, mas pinapahalagahan pa ang mga hayop sa Manila Zoo kaysa sa mga pamilya ng Divisoria Market vendors
Binigyang-diin din ng Divisoria Market vendors na mas pinapahalagahan pa ng LGU ang mga hayop sa Manila Zoo kaysa sa kanilang mga pamilya na umaasa lang sa kanilang kita sa pagtitinda sa palengke.
Muli namang iginiit ng Manila City Government na ang nangyaring bentahan ng nasabing lote ay legal at dumaan sa tamang proseso.
Ayon sa LGU na batay sa pag-aaral ng Asset Management Committee, mas makabubuti sa “financial standing” ng LGU na ma-idispose ang nasabing lote upang kagyat na matustusan ang gastusin sa kinakaharap na pandemya.
Dagdag ng Manila City Government na ang pondong nalikom sa pagbenta ng nasabing lote ay ginamit sa pagpatatayo ng mga COVID-19 hospitals, pagbibigay ng ayuda, food boxes, mga gamot, bakuna at iba pang gastusin panlaban sa COVID-19.
Sinabi ng Divisoria Public Market Credit Cooperative na hanggang sa kasalukuyan, hindi pinapansin nila Vice Mayor Lacuna ang kanilang mga hinaing at hindi man lamang sila kinakausap ng mga ito.
BASAHIN: Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Lacuna at ilang konsehal, sasampahan ng kaso sa korte