IPINAGPAPALIWANAG ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System-Regulatory Office ang Manila Water at Maynilad dahil sa dagsa na mga reklamo sa kanilang mga water bill.
Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Lester Ty, nagpalabas sila ng show cause order matapos makatanggap ng 400 billing complaints ang ahensya sa mga customer ng Manila Water at Maynilad.
Kabilang sa kailangang ipaliwanag ng mga ito ang hindi pagberepika sa consumption patterns ng customer, mga iregularidad at paghold sa statement of account (SOA) sa biglaang pagtaas ng singil sa tubig at pakikipag-usap at pagbibigay ng impormasyon sa mga customer.
Mayroon naman hanggang ngayong linggo ang mga concessionaire para isumite ang kanilang mga paliwanag.
Tiniyak ng MWSS sa publiko na papatawan ng parusa ang mga water concessionaire sakaling mapatunayan ang mga reklamo.
Sinabi ni Ty na patuloy na babantayan ng MWSS ang mga reklamo kaugnay sa serbisyo ng Maynilad at Manila Water maging ang pagtugon ng mga ito sa direktiba ng ahensya.