PINANGUNAHAN ng Manila Water ang 2021 kick-off ng Adopt-an-Estero program sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kasama ang local government unit (LGU) ng San Juan City upang maisakatuparan ang clean-up o paglilinis ng mga estero at ng San Juan River.
Layon din ng nasabing programa na mapagtibay ang bawat pangako ng partner-agencies upang masolusyunan ang problema sa kapaligiran lalung-lalo ang paglilinis ng mga ilog at iba pang dinadaluyan ng tubig.
Sa ginanap na event na Adopt-An-Estero Project sa lungsod ng San Juan, sinabi ni Jose Rene Almendras, President at CEO ng Manila Water, na pinatutunayan lamang nito na matatag ang pangako at layunin ng Manila Water na matugunan ang matagal nang suliranan hinggil sa tinaguriang pinakamaruruming creek o estero sa Metro Manila, ang Maytunas at Ermitanyo Creek, pati na rin ang Buhangin at Buayang Bato Creek.
Ibinida rin ng Manila Water ang serye ng environmental intervention at community awareness campaigns para sa maayos na daloy ng tubig sa mga estero.
Kasunod nito, pinasalamatan ni Mayor Francis Zamora ang DENR, Manila Water at ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS dahil ang San Juan aniya ang piniling lungsod para pagdausan ng nasabing proyekto.
Sinabi naman ni DENR Secretary Roy Cimatu na kung ano ang ginawa nilang pagpapaganda sa Boracay ay kanila ring gagawin ito sa San Juan River o Maytunas Creek at iba pang estero sa Metro Manila.
Maliban sa maytunas, sambit ni cimatu, isasagawa rin nila ang programang adopt an estero sa mga creek ng binondo.
Mabuhay balls, ginagamit na rin sa San Juan para linisin ang mga estero at ilog
Kaugnay nito, sabay-sabay na itinapon sa Maytunas Creek ang ‘Mabuhay Balls’, isang ballformed mixture na may microorganisms na siyang kakain sa harmful bacteria na nasa tubig at nag-aalis ng masangsang na amoy.
Pinangunahan ito nina Manila Water President and CEO Jose Rene Almendras, San Juan Mayor Francis Zamora, DENR Sec. Roy Cimatu, Deputy Administrator Ronald Abrigo ng MWSS-Corporate Office, DENR Usec. Jonas Leones, at MWSS-Regulatory Office Chief Regulator Atty. Patrick Ty.
Inatasan agad ni Secretary Cimatu Ang Environment Management Bureau ng DENR para suriin ang kalidad ng tubig sa Maytunas Creek.
Pagkatapos masuri ay babalikan ito ng DENR pagkalipas ng tatlong buwan para titingnan kung nagkaroon ng improvement sa water quality nito.
Kasabay din nito, babalikan din ng San Juan LGU ang nasabing estero pagkalipas ng tatlong buwan at susuriin ulit pagkatapos ng iba pang tatlong buwan para magsagawa ng comparison kung ano ang kaibahan sa kalidad ng tubig nito.
Inihayag naman Ni Jose Rene Almendras, President at Chief Executive Officer ng Manila Water na ang paggawa ng mabuhay balls ay maaari ring gawing hanapbuhay ng mamamayan.
Samantala, tiniyak ni Mayor Zamora ang 100 percent commitment nito sa DENR, Manila Water at MWSS na susuporta sa naturang proyekto kasabay ng pagbibigay katiyakan na magiging disiplinado ang mga residente na nakatira malapit sa creek o San Juan River.
Nanawagan naman si Zamora sa mga kapwa alkalde nito sa Mandaluyong at Quezon City na magtulungan ang tatlong lungsod para tuluyang makamit ang malinis na tubig.
Nanawagan naman si Zamora sa mga residente ng ugaliing maging disiplinado at huwag itapon ang mga basura sa kahit saan lalo na sa waterways.
Sa mga mahuhuli namang magtatapon ng kanilang basura sa mga estero o San Juan River, sinigurado ng LGU na mapaparusahan ang mga lumalabag sa pamamagitan ng umiiral na ordinansa sa lungsod.