NAKATAKDANG kasuhan ng Quezon City government ang manning agency na may hawak sa lalaking na nagpositibo sa COVID-19.
Ito ay dahil walang koordinasyon ang ahensya sa Quezon City LGU nang ilipat nito ang pasyente sa isang apartment sa Riverside, Barangay Commonwealth mula sa isang quarantine hotel sa Maynila.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, hindi alam ng local government at barangay na dinala ang positibong pasyente sa lungsod.
Kinuwestyon din ng alkalde kung bakit pinalabas ng quarantine facility ang lalaki at inilipat ng apartment sa pamamagitan ng isang ride hailing app.
Sinabi ni Belmonte na paglabag ito sa protocol dahil hindi maaring palabasin ang positive patients sa anumang ibang entity kundi sa barangay health emergency and response teams lamang at ospital.
Samantala, sinabi ni City Epidemiologist Rolly Cruz na ang desisyon kung magpapatupad ng special concern lockdown sa lugar ay base sa magiging resulta ng swab test ng mga residente doon.
Umapela naman si Belmonte sa mga residente na makipagtulungan at mahigpit na sundin ang health protocols.
Napag-alaman na ang pasyente na mula Liloan, Cebu ngunit nanatili sa Metro Manila simula noong Nobyembre 17 ay isa sa walong UK variant cases na inanunsyo ng DOH noong Pebrero 5.