Mano-manong pagtiket sa mga lumalabag sa batas-trapiko, tatanggalin na simula sa susunod na linggo –LTO

Mano-manong pagtiket sa mga lumalabag sa batas-trapiko, tatanggalin na simula sa susunod na linggo –LTO

TARGET ng Land Transportation Office (LTO) na alisin na ang karaniwang mano-manong pagti-tiket sa mga motoristang lumalabag sa batas-trapiko.

Layunin ng LTO na maging digital na ang pag-iisyu ng electronic temporary operator’s permit o e-TOP sa mga traffic violator kasunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ilang taon ng nagtatrabaho sa LTO sa Region II si Crescente Paggadu III, at tuwing nanghuhuli ng mga pasaway na motorista ay natatagalan ito dahil sa mano-manong pagtitiket.

Aminado rin ito na nadudumihan ang pangalan ng tanggapan ng LTO dahil na rin sa maling gawain ng iilang LTO enforcer na nangongotong tuwing nanghuhuli ng motorista.

Alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Marcos sa mga ahensya ng pamahalaan na pabilisan na ang pagbibigay serbisyo sa mga Pilipino.

Kaya naman ang LTO ay muling palalakasin ang paggamit ng handheld mobile device at body-worn cameras sa kanilang mga tauhan sa buong bansa.

Umaga ng Lunes, muling sumalang sa pagsasanay ang 800 enforcers ng ahensya para sa paggamit ng naturang device.

Sinabi pa niya na ito na ang kanilang gagamitin para sa pag-iisyu ng electronic temporary operator’s permit o ETOP simula sa susunod na linggo.

Ibig sabihin, tatanggalin na ang mano-manong pagti-tiket sa mga motorista na lalabag sa batas-trapiko.

Bagamat data ang ginagamit ng naturang device, mayroon din itong offline device para naman sa mga malalayong lugar na mahina ang signal.

Tinatarget naman ng ahensya na gawing cashless ang pagbabayad ng violations sa handheld mobile device sa mga susunod na buwan.

Matapos ang 2 buwang paggamit nito, ilulunsad naman ng LTO ang phase 2 kung saan puwede na ring magbayad ang mga motorista sa naturang device sa pamamagitan ng GCash at ATM card.

Follow SMNI NEWS in Twitter