SA Abril 16, 2024 ay epektibo na ang import ban sa mga isdang galunggong, mackerel, at bonito.
Kasunod ito ng inilabas na Memorandum Order 14 ni Agriculture Secretary Kiko Tiu Laurel Jr. dahil na rin sa mga sumbong na aabot na sa 100,000 metriko tonelada ng mga nabanggit na isda ang ipinupuslit taon-taon.
Ang naturang mga isda kasi na may import clearance ay nakalaan para sa mga canning, processor, at institutional buyers.
Ang grupong Canned Sardines Association of the Philippines ay suportado naman ang hakbang ng ahensiya.
Pero, nabigla lang sila dahil walang konsultasyong naganap sa pagitan ng Department of Agriculture (DA) at mga stakeholder hinggil dito.
Ang tanong, maapektuhan kaya ang suplay ng delatang isda at magmamahal ba ang presyo nito sa merkado?
DA Chief, nilinaw na maaari pa ring umangkat ng mackerel
Sa panig naman ng DA Chief, walang dahilan para magkaroon ng shortage sa mga canned product.
‘‘I do not believe sa sinasabi nila, basically ang nakalagay doon sa aking Department Administrative Order kung hindi naman sila mawawalan ng kanilang canned mackerel, ang nakalagay doon for the canners they can still import the same mackerel pero may pagbabasehan ‘yung VAT sales nila kasi ang problema dito ay diversion. Kung pinasok nila ‘yan tapos dinivert nila, talagang masho-short sila. Pero, kung ang VAT sales nila ay says ganito ang kanilang binenta nilang mackerel at may equivalents tonings ‘yan, they can still import. Tapos nagdagdag pa ako ng 10% eh, plus 10% meaning technically they should be able to import 10% more of what they including now. I don’t see any reason kung bakit sila nagsha-share na magsho-shortage sila,’’ pahayag ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
DTI, wala pang natatanggap na hiling mula sa mga negosyante na taas-presyo sa sardinas
Sa panig naman ng Department of Trade and Industry (DTI).
‘‘So far kami, wala po kaming nare-receive na any price adjustments request and wala rin kaming nare-receive na report or any expected na mahihirapan tayo sa suplay ng mga delata,’’ ayon kay Asec. Amanda Nograles, Consumer and Protection Group, DTI.
Ilan sa mga importer na umano’y nagpupuslit ng isda sa palengke, natukoy na ng DA
Sa ngayon, nagsasagawa ng audit ang Agriculture Department sa mga posibleng nasa likod ng mga nagpupuslit ng isda.
‘‘Natanong si Secretary noong isang araw kung kilala niya ang mga importers na may ginagawang diversion sabi niya kilala niya ‘yun. But, of course kailangan ng due process, there will be audit na gagawin para malaman talaga kung sino ‘yung mga importer na nagdi-divert ng mga isda,’’ ayon kay Asec. Arnel de Mesa Spokesperson, DA.
Dagdag naman ni DA Spokesperson Arnel de Mesa, hindi pa nila masabi ang mga pangalan ng mga importer at kung ilan ang mga ito.
Kung mga nasa palengke naman ang tatanungin, walang epekto umano sa kanila ang importation ban ng galunggong, mackerel at bonito.
‘‘Hindi naman, kasi karamihan naman talaga ay dito naman ‘yan gaya ngayon season ng galunggong di ba.’’
‘‘Wala naman kasi may bangus at tilapia naman tayo,’’ ayon pa kay Kathryn, Tindera ng isda.
Ang mamimiling si Nanay Yolanda, mas gugustuhin bumili ng mga lokal na isda.
‘‘Fresh siyempre dahil ‘yung frozen wala ka nang makukuhang vitamins di ba, wala na natusta na doon,’’ ayon naman kay Nanay Yolando, Mamimili.