Mapanganib at matinding init, mararanasan sa sentral na bahagi ng Estados Unidos

Mapanganib at matinding init, mararanasan sa sentral na bahagi ng Estados Unidos

ISANG matinding init na nagdadala ng mapanganib at mataas na temperatura ay papunta ngayong linggo mula sa West Coast patungo sa mga estado sa sentral na bahagi ng Estados Unidos at inaasahang makakaapekto sa 120 milyong mga Amerikano.

Mahigit isandaang milyong mga residente sa Estados Unidos ang makararanas ng init ng panahon na aabot sa 90-degree fahrenheit ngayong linggo.

At ayon sa National Weather Service, may posibilidad na ito ang pinakamataas sa mga naitalang init sa bansa.

Ang patuloy na heat dome na nagmumula sa West Coast mula noong nakaraang linggo ay papunta na sa Northern Plains at Upper Midwest ng Estados Unidos, at patungo sa East Coast ngayong linggo.

Inaasahang magtatapos ito sa Great Lakes at sa rehiyon ng Mid-Atlantic.

Sa darating na Linggo, humigit-kumulang 70% ng populasyon ng Estados Unidos ang makararanas ng temperaturang higit pa sa 90 degrees fahrenheit.

Ang mga pangunahing lungsod tulad ng Minneapolis, Chicago, Nashville, Memphis, Dallas, New Orleans, at Atlanta ay maaaring makaranas ng mga temperatura na malapit o higit pa sa 100 degrees fahrenheit.

Kakaiba rin ang panahon kamakailan sa Amerika sapagkat bukod sa heat dome, sinalanta ng makasaysayang pagbaha ang Yellowstone National Park kamakailan kasama ang mga nakapaligid na komunidad nito.

Nagliyab ang mga wildfire sa Arizona at New Mexico at ang matitinding bagyo sa Upper Midwest ay nagdulot ng malawakang pagkawala ng kuryente.

Habang patuloy na nasa ilalim ng babala sa matinding init ang milyon-milyong Amerikano, inaasahang mas lalala pa ito sa mga darating na linggo.

Follow SMNI NEWS in Twitter