NAGBIGAY ngayon ng babala ang University of the Philippines-Diliman College of Science’s Institute of Environmental Science and Meteorology ukol sa mga malalakas na uri ng bagyo na posibleng manalasa sa bansa sa mga susunod na panahon.
Mga malakas at mas nakapipinsala na uri ng bagyo ang nakikita ng pag-aaral ng UP dala rin ng climate change.
Sa pag-aaral nina Dr. Rafaela Jane Delfino and Dr. Gerry Bagtasa, kasama ang ilang mga taga-UK, kanilang napag-alamang may mataas na cyclone damage potential (CDP) ang mga darating pang mga bagyo kumpara sa mga bagyo ngayon.
Ang CDP ay sukatan kung saan maraming factor ang kinukonsidera kabilang na ang laki ng bagyo at bilis ng hangin nito.
Kumuha ng mga datos ang mga scientist na ito mula sa mga nakalipas na bagyo para matantsa kung ano ang posibleng uri ng bagyo ang tatama pa sa bansa.
Ang mga partikular na bagyo na pinaghugutan ng naturang pag-aaral ay ang Bagyong Yolanda noong 2013, Bagyong Pablo noong 2012 at Bagyong Ompong noong 2018.
Inaasahan ang naturang mga uri ng bagyo na tatama sa bansa sa pagitan ng 2070 hanggang 2099.