Marcoleta, suportado si Duterte na pagbayarin muna ang ABS-CBN bago makapag-operate

SUPORTADO ni Sagip Partylist Rep. Congressman Rodante Marcoleta ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pagbayarin muna ang ABS-CBN bago ito payagang makapag-operate muli.

“Habang mayroong outstanding issues laban sa kanila katulad noong nakabalandra na dalawang resolusyon, hindi naman siguro mabuti na bigla silang mag-aaply na hindi muna nila tinitingnan ang dalawang resolusyon,” pahayag ni Marcoleta.

Ani Marcoleta, malinaw ang sinabi ni Pangulong Duterte na bayaran muna ang mga utang sa gobyerno.

Sumang-ayon din si Cong. Marcoleta sa pahayag ni House Speaker Lord Allan Velasco na maaaring sa susunod na Kongreso na mapapag-uusapan ang kahilingan ng ABS-CBN para i-renew ang kanilang prangkisa.

Patungkol naman sa lupa’ng kinatatayuan ng ABS-CBN, ani Marcoleta, hindi na dapat pang hintayin na magkaroon ng pandinig sa Kamara bago ipakita ang mga dokumento na magpapatunay na pagmamay-ari ng ABS-CBN ang lupa.

SMNI NEWS