Marcos admin, nais ipakulong si FPRRD kaya pinapasok ang ICC—Mayor Baste Duterte

Marcos admin, nais ipakulong si FPRRD kaya pinapasok ang ICC—Mayor Baste Duterte

HINDI na napigilan ni Davao City Mayor Sebastian Duterte na isumbat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang ginawang ‘hero’s burial’ ng kaniyang ama na si former President Rodrigo Roa Duterte kay former President Ferdinand E. Marcos, Sr.

Naging emosyonal ang nakababatang Duterte sa gitna ng balitang nasa Pilipinas at nagsasagawa na ng imbestigasyon ang ilang miyembro ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y extra judicial killings ng Duterte drug war.

“’Yang ICC, gusto ko lang talaga itong ilabas dito, tandaan niyo ‘ang tatay niyo pinalibing ng tatay ko’ (Libingan ng mga Bayani) ‘Yan na lang sana, pero hindi niyo…Kaya ako, personal ko ito, mawalan talaga ako ng respeto sa inyo,” ayon kay Mayor Sebastian Duterte, Davao City.

Sa ginanap na One Nation, One Opposition Prayer Rally, sinabi ni Mayor Baste na gustong ipakulong ng kasalukuyang administrasyon ang kaniyang ama kaya hinayaan nitong makapasok ang ICC sa bansa.

“Itong ICC, nasaktan ako masyado na ganito na lang ang iisipin natin, na noon hindi talaga ‘yan sila naka-landing sa bansa natin. Tapos ngayon napalitan ang administrasyon, bigla na lang nagkaganyan. ‘Yan kasi ‘yung.. Eh gusto nilang ipakulong ang tatay ko,” dagdag ni Mayor Duterte.

Bilang anak ay nasasaktan aniya siya sa ginagawa ng Marcos administration sa kaniyang ama.

Ni hindi aniya madalas makita ang kaniyang ama dahil sa subsob ito sa kaniyang trabaho na makapaghatid ng magandang kinabukasan hindi lamang sa Davao City kundi sa buong bansa noong naging presidente ito ng bansa.

“Bakit ‘yan pa talaga? Alam niyo kung bakit? Na masyado akong nasaktan? Lumaki akong nakatingin dito kay former President Rodrigo Roa Duterte, na wala nang ibang ginawa, minsan lang magsalita, minsan ko lang makita. Kasi bakit? Sige na lang siyang habol nang habol sa pangarap niyang makapagbigay ng magandang kinabukasan. Hindi lang sa Davao siya naging presidente, kundi sa buong Pilipinas,” ani Duterte.

Samantala, mayroong iniwang paalala si Mayor Duterte kay Pangulong Marcos.

Aniya, posibleng ikunsidera pa ng Pangulo ang kaniyang mga aksiyon sakaling mabalikan nito ang alaala ng sinapit ng kaniyang pamilya noong 1986.

“Just a simple message sa ating Pangulo, from now on before you go to bed think of the Romanovs, think of Benito Mussolini and his wife and think of what happened to you in 1986, and maybe you reconsider the direction that you are taking,” aniya.

Pabiro namang sinabi ni Mayor Baste na baka lumipad na lang siya patungong Indonesia para humingi ng political asylum kasunod ng mga pahayag nito laban sa kasalukuyang administrasyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble