Marcy Teodoro, opisyal nang iprinoklama bilang kongresista ng 1st District ng Marikina City

Marcy Teodoro, opisyal nang iprinoklama bilang kongresista ng 1st District ng Marikina City

MAAGA pa lang noong Martes, Hulyo 1, ay nagtipon na ang mga tagasuporta ni Marcy Teodoro sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) Marikina upang ipanawagan ang agarang proklamasyon ng kanilang napiling kongresista sa unang distrito.

Sigaw ng mga tagasuporta: huwag hadlangan ang proklamasyon ng taong tunay na nagmahal at nagmalasakit sa mga Marikenyo.

Paliwanag ni Atty. Dave Villarosa, Election Officer ng Marikina, kailangan munang i-convene ang City Board of Canvassers sa loob ng tatlong araw bago maiproklama si Teodoro.

Gayunpaman, matapos ang ilang oras na pagkaantala, nagpasya ang COMELEC Marikina na ituloy na ang proklamasyon ni Teodoro bilang halal na kongresista ng unang distrito.

Sa isang ambush interview, inilahad ni Teodoro ang kaniyang mga isusulong na panukalang batas tulad ng Magna Carta for Health Workers, mga amyenda sa batas para sa small and medium enterprises, at mga programa para sa edukasyon, kabuhayan, at kalusugan.

Pagkatapos ng proklamasyon, agad nagtungo si Teodoro sa korte para sa kaniyang panunumpa, sa harap ni Presiding Judge Romeo Dizon Tagra ng RTC Branch 273.

Ayon kay Teodoro, ang kaniyang panunumpa ay isang simpleng seremonya ngunit makabuluhan at naaayon sa batas.

Teodoro, maghahain ng reklamo sa election officer ng Marikina dahil sa aniya’y di-kailangang pagkaantala ng proklamasyon

Dahil sa umano’y pag-ipit sa kaniyang proklamasyon, magsasampa ng reklamo si Teodoro laban sa election officer ng lungsod.

Giit niya, hindi lamang ang kaniyang karapatan ang naapektuhan kundi maging ang karapatan ng mga mamamayan ng Marikina na agad magkaroon ng kinatawan sa Kongreso.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble