Marikina, nakapagtala ng 200% hike ng kaso ng COVID-19

NAITALA sa lungsod ng Marikina ang 200% na hike ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga nakalipas na araw.

Naabot na rin ng mga ospital sa Marikina ang full capacity para sa COVID-19 patient ayon kay Mayor Marcelino Teodoro.

Dahil dito ay napilitan ang local na pamahalaan ng Marikina na ipasa ang parehong infected at non-infected patients sa mga ospital sa kalapit na lugar.

Sinabi ni Teodoro na sa ngayon ay mayroong 890 active cases ng COVID-19 sa lungsod.

Matatandaan na mayroon lamang 409 active cases ang Marikina ng COVID-19 noong Marso 9.

Sinabi rin ni Teodoro na puno na rin maging ang quarantine sites ng lungsod at dagdag nito ay maghahanap pa siya ng dagdag na pasilidad kung saan maaari nilang isailalim sa quarantine ang mga residenteng nakakuha ng virus.

Base sa contact tracing ng lokal na pamahalaan ng lungsod, karamihan sa mga kaso ng COVID-19 sa Marikina ay nahawa sa virus mula sa mga public utility vehicles, transport terminals at trabaho.

Kahapon ay nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 8,019 ng bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

(BASAHIN: Pilipinas, nakapagtala ng mahigit 8,000 na bagong kaso ng COVID-19)

Ito na ang pinakamataas na bilang mula nang tumama ang pandemya sa Pilipinas.

Dahil dito, pumalo na sa 671,792 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng sakit sa Pilipinas hanggang kahapon Lunes, Marso 22.

 

SMNI NEWS