IPINASARA ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang immigration consultancy firm sa Parañaque.
Ito ay dahil sa umano’y illegal recruitment operations nito.
Mismong si DMW OIC Undersecretary Hans Leo J. Cacdac kasama si Usec. Bernard P. Olalia, at ng iba pang opisyal ng DMW ang nanguna sa pagsasara ng RTM Maritime Consultancy Services Corp., araw ng Huwebes.
Ayon kay Cacdac, ipinasara ang naturang maritime consultancy firm dahil sa umano’y illegal recruitment activities at hindi awtorisadong pangongolekta ng placement fees.
Sa tulong ng mga tauhan ng Parañaque City Police at Brgy. Sto. Niño officials, pinakandado ni Cacdac ang opisina ng RTM sa 2nd floor ng J & P building sa kahabaan ng Ninoy Aquino Avenue sa Santo Nino, Parañaque City.
Ang pagsasara ay kasunod ng mga reklamo na natatanggap ng kagawaran sa Email na hiwalay na ipinadala ng mga nabibiktima ng RTM sa unang quarter ng 2023.
Higit P100,000 ang halaga bilang consultation fee ang hinihingi ng RTM pero ang pangakong trabaho ay hindi nangyari.
Gaya ni Ernesto na pinangakuan ng RTM bilang chief cook sakay ng container vessel sa Dubai na may buwanang suweldo na US$900, o katumbas ng P51,300.
Matapos maghintay ng ilang buwan para sa kanilang deployment, nagpasya ang mga biktima na maghain ng kanilang mga reklamo sa DMW.
Ang DMW ay nagsagawa ng initial surveillance sa mga aktibidad ng RTM noong Marso habang isang follow-up na operasyon ng pagsubaybay ay isinagawa noong Hunyo upang palakasin ang kaso ng DMW laban sa RTM.
Sa kabuuan, natukoy ng DMW na ang RTM ay walang balidong lisensya o akreditasyon mula sa departamento.
Tiniyak ng DMW na kakasuhan ang may-ari at mga sangkot sa ilegal na operasyon ng RTM.