Mary Jane Veloso, inaasahang makakauwi sa Pilipinas sa mga susunod na araw—DFA

Mary Jane Veloso, inaasahang makakauwi sa Pilipinas sa mga susunod na araw—DFA

ARAW ng Lunes, inaasahang mag-aanunsiyo ang Indonesia kaugnay sa paglilipat ni Mary Jane Veloso dito sa Pilipinas.

Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega na malaki ang posibilidad na maiuuwi na si Veloso sa Pilipinas ngayong linggo.

Ipinaliwanag ni Usec. De Vega na isang delegasyon mula sa Pilipinas, kasama na siya mismo, ang magtutungo sa Jakarta upang i-turnover si Veloso.

Ang Bureau of Corrections (BuCor) o National Bureau of Investigation (NBI) ay maglalakbay patungo sa Jakarta Lunes ng gabi upang maisagawa ang turnover.

Sabi rin ni Usec. De Vega, ang Pilipinas ang magbabayad sa lahat ng gastusin sa pag-uwi ni Veloso.

Walang sasamahang Indonesian police sa pag-uwi ni Veloso.

“Well, itu-turnover siya sa Philippines, may delegation na galing dito iyong—ako mismo, pero iyong Bureau of Corrections o NBI pupunta sila sa Jakarta mamayang gabi para i-turnover alinsunod sa practical arrangement na pinirmahan,” ayon kay Usec. Eduardo de Vega, DFA.

Sinabi rin ng opisyal na ang paglipat ni Veloso sa Jakarta ang naging dahilan ng kanselasyon sa pagbisita ng mga magulang ni Veloso sa Indonesia.

Nakatakda sanang bumisita ang pamilya Veloso kay Mary Jane nitong linggo sa Yogyakarta.

Sa kabila ng pagkabigo, masaya ang pamilya Veloso dahil nakumpirma na ang pag-uwi ni Mary Jane sa Pilipinas.

Ang tanging katanungan na lang ay kailan ang eksaktong araw ng kaniyang pagdating.

“Kasi ang akala natin baka hanggang Christmas pa para makauwi si Mary Jane. Pero, may na-receive kami noong Sabado na advisory ng Indonesia na ililipat na siya nung center sa Jakarta, wala pa tayong confirmation pero most likely na nandoon na siya ngayon, hintayin nga natin iyong, gagawan ng press release mamaya iyong Indonesian ‘no, ‘pag nandoon na mabilisan na iyong pagtu-turnover sa embahada natin ‘no,” dagdag pa ni Usec. De Vega.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble