KAILANGAN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WesCom) ng mas mabilis na barko para sa resupply mission sa mga tropa ng gobyerno sa Ayungin Shoal.
Ito ay upang matapatan ang mga barko ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa lugar.
Ayon kay AFP WesCom commander Vice Admiral Alberto Carlos, naghahanap sila ng barko na may bilis na 15 knots mula sa kasalukuyang 7 knots na bilis ng mga ginagamit na barko sa resupply mission.
Maliban dito, kailangan din nila ng barko na kayang maglayag sa mababaw na tubig tulad sa Ayungin Shoal kung saan nakasadsad ang BRP Sierra Madre.
Nauna nang tiniyak ni AFP chief of staff General Romeo Brawner Jr. na sa kabila ng pangha-harass ng China sa mga barko ng bansa ay hindi sila magpapatinag at magpapatuloy ang resupply mission sa Ayungin Shoal.