Mas malalim at progresibong relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan, muling pinagtibay—PBBM

Mas malalim at progresibong relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan, muling pinagtibay—PBBM

MULING pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mas malalim at progresibong relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

Malugod na tinanggap ni PBBM si Natsuo Yamaguchi, Chief Representative ng Komeito International Affairs Bureau ng Japan.

Ginanap ito sa isang courtesy call sa Malacañang nitong hapon ng Miyerkules.

Sa kaniyang pahayag, kinilala ng Pangulo ang pagbisita bilang mahalagang bahagi ng patuloy na pagsisikap na patatagin ang mas malalim at progresibong relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

“Japan and the Philippines has been very close partners in terms of development over very many years and that has, we always have considered as part of all that we do, the assistances and the agreements that we have with Japan,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Muling pinagtibay ni Pangulong Marcos ang pangako ng bansa na mahigpit na makipagtulungan sa Japan tungo sa sustaining areas ng mutual cooperation sa hanay ng kalakalan, ekonomiya, imprastraktura, maritime industry, Official Development Assistance (ODA), at iba pa.

Binibigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangang dalhin ang partnership sa mas mataas na antas ng kooperasyon, na nakaangkla sa pagpapahusay ng mga pangunahing talakayan sa depensa at seguridad sa Asia-Pacific Region.

Ipinahayag din ni Pangulong Marcos ang kaniyang pag-asa na makapagtatag at lumikha ng higit pang mga oportunidad sa pagpapalakas ng economic peace sa pagitan ng dalawang bansa.

Dumalo sa courtesy call sina Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano, Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Velicaria-Garafil, Ambassador of Japan to the Philippines Kazuhiko Koshikawa, at mga opisyal mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Komeito Party.

Sa kabilang banda, nagpasalamat naman si Yamaguchi Natsuo sa pagkakataong makapagpalitan ng opinyon kay Pangulong Marcos sa kabila ng abalang iskedyul ng Punong-Ehekutibo.

Ikinalugod din ng opisyal ang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Japan noong Pebrero kung saan higit aniyang nagpalakas sa pangkaibigang ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.

Samantala, batid naman ni Yamaguchi ang pagsabatas kamakailan ng Maharlika Investment Fund.

Umaasa ang opisyal na ang Maharlika Investment Fund, bilang isang transparent at independent institution, ay makatutulong sa pamumuhunan sa imprastraktura ng Pilipinas.

“As Japan has supported infrastructure development in your country through ODA, I hope that Maharlika Investment Fund, as a transparent and independent institution, will help your country’s infrastructure investment,” saad ni Natsuo Yamaguchi, Chief Representative, Japan’s Komeito Party.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble