IPINANGAKO ni Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr. ang pagdadala ng mas marami at mas malalaking proyekto sa imprastruktura sa Rizal upang mapalakas ang kaunlaran at matugunan ang lumalalang suliranin sa pagbaha.
Sa harap ng libu-libong Rizaleño sa Antipolo noong Biyernes, Abril 4, binigyang-diin ng senador, na siyang Chairperson ng Senate Committee on Public Works, ang pangangailangan ng malawakang flood control at imprastruktura upang protektahan ang mga residente mula sa epekto ng pagbabago ng klima, kalamidad, at mabilis na urbanisasyon.
“Hindi sapat ang pansamantalang solusyon sa problema ng baha. Kailangan natin ng pangmatagalang mga imprastruktura na magtatanggol sa buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan,” ani Sen. Bong Revilla.
Tinukoy niya ang mga bayan ng Taytay, Cainta, Angono, at Binangonan na matagal nang lumulubog sa baha, pati na rin ang mga mataas na lugar gaya ng Tanay, Baras, Morong, at ilang bahagi ng Antipolo at San Mateo na kamakailan lamang ay sinalanta rin ng malulubhang pagbaha.
“Kaya mas kinakailangan ngayon ang mas malalaking flood-control projects, drainage systems, at iba pang mahahalagang imprastruktura dito sa Rizal,” dagdag ng senador.
“At bilang tagapangulo ng Public Works Committee, ito ang isang pangakong hindi ko bibitawa,” aniya.
Pinaalalahanan din niya ang kahalagahan ng ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang maisakatuparan ang mga proyekto.
“Alam niyo naman, pamilya na ang turingan namin ng mga Ynares — mula kina Gov. Ito, Gov. Nini, Gov. Nina, Mayor Junjun, Mayora Andeng, at Cong. Mia Ynares. Dahil sa aming pagtutulungan, masisiguro natin ang sunud-sunod na hakbang para masolusyonan ang problema ng baha,” dagdag nito.
Matapos ang rally, tutungo si Revilla sa mga bayan ng Angono, Taytay, Cainta, at Antipolo sa Sabado, Abril 5 upang makipagdayalogo sa mga residente.
Dadalo rin siya sa grand float parade bilang bahagi ng ika-27 anibersaryo ng pagiging lungsod ng Antipolo.
Sa muling pagtutok ni Bong Revilla sa mga proyektong pang-imprastruktura, umaasa ang mga Rizaleño na higit pang mapapalakas ang depensa ng kanilang mga komunidad laban sa pagbaha at iba pang hamon ng panahon.
Follow SMNI News on Rumble