Mas mataas na singil sa tubig, aasahan ng ilan ngayong Oktubre

Mas mataas na singil sa tubig, aasahan ng ilan ngayong Oktubre

APRUBADO na ng Metropolitan Water and Sewerage System Regulatory Office (MWSS-RO) ang foreign currency deposit adjustments (FCDA) o tariff adjustment ng Manila Water at Maynilad Water services.

Ang FCDA ay ang quarterly review ng MWSS-RO para bigyang-daan ang mga concessionaire na makapag-adjust ng singil sa tubig batay sa galaw ng foreign exchange rates.

Kaugnay rito, ayon kay MWSS-RO chief regulator Atty. Patrick Ty, para sa Manila Water, magreresulta ito ng taas-singil na naglalaro mula P3 hanggang P8 para sa mga kumukunsumo ng 10 hanggang 20 cubic meter.

Mahigit P16 naman sa mga kumukunsumo ng 30 cubic meter.

Nilinaw ng Manila Water na walang dagdag-singil sa tubig para sa lifeline users o mga kumukunsumo ng mas mababa pa sa 10 cubic meters bawat buwan.

Samantala, ang mga customer ng Maynilad Water services ay makakahinga sa kanilang October billing dahil magpapatupad sila ng bawas-singil sa tubig.

Para sa kanilang mga customer na kumukunsumo ng 20 hanggang 30 cubic meters, nasa P3 hanggang P6 ang ibabawas sa singil.

Gayunpaman, nilinaw ng MWSS-RO na patas ang kanilang ginawang imbestigasyon kaya kailangan itong ipatupad ng mga concessionaire.

Ang Manila Water ay supplier ng tubig sa Makati, Mandaluyong, Pasig, Pateros, San Juan, Taguig, Marikina, malaking bahagi ng Quezon City, ilang bahagi ng Manila, at Parañaque.

Maging sa ilang lugar ng Rizal gaya ng Angono, Antipolo, Baras, Binangonan, Cainta, Cardona, Jala-Jala, Morong, Pililia, Montalban, San Mateo, Tanay, Taytay, at Teresa.

Habang ang Maynilad ay supplier ng tubig sa mga lugar tulad ng Caloocan, Las Piñas, Malabon, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, at Valenzuela, malaking bahagi ng Manila and ilang bahagi ng Quezon City at Makati.

Supplier din ito sa ilang lugar sa Cavite Province gaya ng Cavite City, Bacoor, Imus, Kawit, Noveleta, at Rosario.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble