PARA sa mga kababayan natin na bilang mga kasambahay sa ibayong dagat, Karapatan nilang taasan ang suweldo buwan-buwan.
Sa panahon kasi ngayon na patuloy na tumataas ang mga bilihin sa Pilipinas, paano nga ba sasapat ang nasa P20,000 sahod kada buwan? Lalo na kung sabay-sabay ang mga gastusin ng mga pinapaaral na mga estudyante.
Ito ang panawagan ng ilang Overseas Filipino Workers mula sa Middle east.
Ayon kay Annabelle, Raquel at Angeline hindi nila naipadadala ng buo ang kani-kanilang mga suweldo sa Pilipinas dahil kailangan din nilang magtabi para sa kanilang sarili.
Hindi naman kasi lahat ng mga pangunahing kailangan nila bilang house service workers ay ibinibigay ng kanilang amo.
Sa katunayan, pahirap din daw ang bumababang palitan ng pera habang patuloy naman ang pagsipa ng presyo ng mga bilihin sa Pilipinas.
Para kay Marilyn na isang balikbayan mula Germany, dapat na tutukan ng pamahalaan ng paglikha ng mas maraming trabaho dito sa bansa.
Ayon naman kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, plano nilang taasan ang suweldo ng mga Pilipinong household service workers abroad.
Yun lang daw at dapat na maihiwalay ang trabaho ng isang kasambahay at ng isang caregiver.
Marami, aniyang, mga OFW na nagtatrabaho bilang kasambahay abroad ang gumaganap din sa papel ng isang caregiver.
Sabi pa ni Cacdac, puwede naming sumailalim sa TESDA training ang sinumang OFW na gustong maging caregiver.
Para naman kay OFW Partylist Representative Marissa del Mar Magsino, ang kinikita ng mga Pinoy domestic helpers abroad na nagtatrabaho din bilang caregivers doon ay maaari rin namang kitain dito sa Pilipinas.
May mga reintegration program o livelihood program na maaaring i-avail ng mga OFW para mabigyan sila ng puhunan.
Gayunpaman, tutulong daw siya na itulak ang mungkahing pataasin pa ang suweldo ng mga Household Service Worker abroad.
“Ngayon ang OFW Partylist ay pipilitin na makipag-ugnayan sa Department of Migrant Workers na magkaroon ng bilateral labor agreement hindi madalian. Tama, hindi naman ganyan kadali. Alam naman natin na may sariling batas ang Middle East pero pipilitin na magampanan natin na magkaroon ng magandang agreement sa pagitan ng ating gobyerno at gobyerno ng Middle East para sa ganun ay mabigyan naman ng mas maayos na working and living condition ang ating mga OFWs, especially ang ating mga household service workers,” ayon kay Rep. Marissa Del Mar Magsino, OFW Partylist.