KASUNOD ng pagsuko ng 100 Abu Sayyaf members mula sa Sulu, agad na tiniyak ng pamahalaan ang mas maayos na kinabukasan ng mga ito kasama ng kanilang mga pamilya sa ilalim ng poder ng gobyerno.
Sa kanyang pagharap sa Malakanyang ngayong hapon, tiniyak ni DILG Secretary Benhur Abalos na nasa mabuting pangangalaga ang sinumang magbabalik-loob sa pamahalaan at nais makipag-isa sa adhikain tungo sa mas mapayapa at maunlad na bansa.
Dagdag pa ni Abalos, magandang senyales ito para sa inaasam na pagkakaisa at dahan-dahang pagtatapos ng banta ng terorismo sa bansa.
Dahil dito, hindi na rin magtatagal aniya, isusunod na ang mga reporma sa lalawigan ng Sulu lalo na sa pagpapaunlad sa kabuhayan ng mga residente doon na hindi na kailanma’y matatakot mula sa putok ng baril o pampasabog.
Sa ngayon, sa kanilang pagsuko ay mabibiyayaan ang mga ito sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno para makatanggap ng pinansiyal at tulong pangkabuhayan.
Alinsunod sa E-CLIP, ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay makatitiyak ng kaligtasan at seguridad, cash assistance na P 50,000 tulong pangkabuhayan; P15,000 mobilization expenses at bibigyan din ng karagdagang halaga ng kapalit ng mga isinusukong mga baril.
Paliwanag ng opisyal, walang magandang maidudulot ang pakikipagbaka gamit ang armas kundi maaari aniya itong madaan sa maayos na pag-uusap na hindi nagkakasakitan at nagbubuwis ng buhay.
Ani Abalos, matagal nang naghihintay ang gobyerno at handa itong makinig sa mga hinaing ng sinuman.
Batay sa impormasyon, ang mga nagsisuko ay mula sa iba’t ibang munisipalidad ng Sulu na kinabibilangan ng Indanan, Omar, Maimbong, Panamao, Talipao, at Patikul.
Sa pangunguna ng PNP-Special Action Force, napag-alaman na nagpasya na sumuko ang mga dating rebelde na ito upang mamuhay ng mapayapa at tuluyang iwaksi ang hirap na dinanas ng mga ito sa kabundukan habang patuloy na tinutugis ang mga ito ng tropa ng pamahalaan.