DINALUHAN ni Department of National Defense (DND) Sec. Gilberto C. Teodoro, Jr. ang dalawang araw na conference na pinamagatang “Fortifying Cyber Cooperation Towards Digital Security”.
Ang nabanggit na aktibidad ay inorganisa ng Stratbase Institute sa pakikipagtulungan ng embahada ng Canada, araw ng Martes.
Nagtipon sa nabanggit na pagpupulong ang stakeholders ng cybersecurity sa Pilipinas kasama ang international community.
Tinalakay rito ang mga isyu at paghahanap ng solusyon sa panganib sa cyberspace.
Kasunod nito, inihayag Teodoro na magsasagawa ito ng pagbabago tungo sa mas striktong operational security.
Kabilang na rito ang paghahanap ng paraan upang mapalago pa ang cybersecurity infrastructure sa bansa.
Maliban sa pagiging mahina ng bansang Pilipinas pagdating sa cybersecurity, sinabi nito na kabilang din sa mga gagawing pagbabago ng DND ay ang individual security, facility security, digital hygiene, hanggang sa arkitektura na ilalagay sa sistema.
“So we have to start from base zero. We have had a gap analysis, and there’s a lot to do. We have to put in the right infrastructure, architecture, hardware, software, protocols, and hygiene,” ayon kay Sec. Gilberto Teodoro, Jr., DND.
Dagdag pa ng opisyal, malaking usapin ang national security kaya marapat lang na gumawa ang gobyerno ng mga pamantayan, patakaran, at mga regulasyon upang maiwasan ang pang-aabuso.
Hinikayat din nito ang mga institusyon na mas pag-ibayuhin pa ang mga ginagawang pananaliksik at pagpapaunlad kaugnay rin sa derektiba ng Pangulo ng bansa.
Ito’y gamitin nang maaayos ang mga potensiyal ng Pilipinas upang sa gayon ay makabuo ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Sa huli, bagamat alam ng kalihim na malayo pa ang kakayahan ng bansa pagdating sa cybersecurity, sinabi nito na handa ang Pilipinas na makipagtulungan sa ibang bansa at bumuo ng framework para sa digital security.
“We know that the Philippines now, is patient zero for vulnerability. This gives us room for working and cooperating with like-minded partners, creating the proper frameworks and operational and institutional arrangements for long-term cooperation, with the Philippines interests in mind, and respecting those of like-minded nations,” dagdag ni Teodoro.