Masbate, Siargao flights ng CebGo, ililipat mula NAIA T2 patungong Clark—Cebu Pacific

Masbate, Siargao flights ng CebGo, ililipat mula NAIA T2 patungong Clark—Cebu Pacific

ILILIPAT ng Cebu Pacific (CEB) ang ilang flight ng CebGo (DG) mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 patungong Clark International Airport (CRK) simula Marso a-trenta ngayong taon, ayon sa anunsyo ng kompanya.

Ito ay kasunod ng desisyon ng Manila Slot Coordination Committee ng Department of Transportation.

Bilang pagsunod sa resolusyon ng Manila Slot Coordination Committee ng Department of Transportation noong Disyembre a-tres ng nakaraang taon, inihayag ng Cebu Pacific (CEB) ang unti-unting paglipat ng mga operasyon ng Turboprop aircraft mula sa NAIA Terminal 2 patungo sa mga kalapit na paliparan.

Dahil dito, apektado ang mga flight ng CebGo (DG) papunta at galing Masbate at Siargao.

Ang mga direktang flight mula Manila patungong Surigao ay kakanselahin, at maaaring sumakay ang mga pasahero sa connecting flights sa Cebu.

Layunin ng paglipat na ito ang mas mahusay na pamamahala ng kapasidad ng paliparan at pagpapabuti ng karanasan ng mga pasahero.

Ang Airswift, isang subsidiary ng CEB, ay patuloy na mag-o-operate mula sa NAIA Terminal 2 hanggang Marso 2026.

Ang mga pasahero na maapektuhan ay mabibigyan ng tatlong opsyon: libreng rebooking hanggang tatlumpung araw mula sa orihinal na petsa ng biyahe, travel fund, at full refund.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter