INAASAHAN na ni National Security Adviser (NSA) Sec. Eduardo Año na magkakaroon ng mass surrender sa hanay ng communist terrorist groups (CTGs) New People’s Army (NPA).
Ito’y matapos ang ginawang proklamasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na magbibigay ang gobyerno ng amnestiya sa mga magbabalik-loob sa pamahalaan.
Binigyang-diin pa ni Año na isang napakamahalagang hakbang ang naturang proklamasyon ng Presidente para tuluyan nang malansag o matuldukan ang teroristang komunistang grupong CPP-NPA-NDF sa bansa.
Dagdag pa dito, ang naturang presidential proclamation ay malaking tulong sa programa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para mapasurender ang mga natitirang armadong miyembro ng NPA at makapagsimulang muli.
Matatandaan na ang dalawang malaking programa sa ilalim ng NTF-ELCAC ay ang barangay development program (BDP) at Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Giit pa ng Año, ang personal commitment na ito ng pangulo sa mga naturang programa ay pagpapakita na determinado itong tugunan ang insurhensya na nangyayari sa bansa lalo na sa kanayunan.