PINALAGAN ng mga senador ang hindi makatarungang singil sa kuryente sa ilang mga probinsiya sa Mindanao at iba pang bahagi ng bansa.
Nagkaisa ngayon ang ilang mambabatas na imbestigahan ang anila’y mahal na singil sa consumers ngunit mababa naman na kalidad sa serbisyo ng mga power distributors.
Dapat din amyendahan anila ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 o mas kilala bilang EPIRA Law.
Ito’y kasunod na nag-privilege kahapon si Senate President Juan Miguel Zubiri kung saan binigyang-diin niya ang pagsipa sa singil sa kuryente sa Mindanao.
Nais naman ipatawag ni Senadora Grace Poe sa imbestigasyon ang Energy Regulatory Commission (ERC) upang malaman kung ano nga ba ang ugat sa problema ng mga consumers.
Ang ERC ang nag-aapruba sa presyo ng kuryente na ipinapataw sa mga consumers at sa power supply agreements sa pagitan ng generation companies at distributors.
Nais din niyang malaman kung ano ang magiging solusyon, kabilang na ang pagtanggal ng value added tax (VAT) sa generation charges.
Nais din ni Poe na amyendahan ang EPIRA habang nagsalita rin kaugnay sa parehong isyu si Senadora Pia Cayetano.
Para naman kay Senate Minority Leader Senador Aquilino Pimentel III dapat aniyang repasuhin ang mga ginagampanang papel ng mga electric cooperatives.
Ang pahayag ni Senator Koko ay sinegundahan naman ni Senadora Imee Marcos.
“Time to overhaul electric coops and review the EPIRA Law, specifically the role and leadership of electric cooperatives are concerned,” pahayag ni Sen. Imee Marcos.
There is a need to professionalize the leadership of electric cooperatives by imposing standards on the members of the board,” dagdag ni Sen. Imee.
Iginiit ng senadora na kailangang gawin nang propesyunal ang pamunuan ng mga electric cooperative sa pamamagitan ng pagpatutupad ng mga standard o panuntunan sa mga miyembro nito.
“There is also a need to address the difficulties of electric cooperatives in procuring supply- assessing franchise areas of low demand to “even” out with more profitable areas, perhaps even allowing successful electric cooperatives to take over the franchise areas of low performing electric coops,” ayon kay Sen. Imee.
Kailangan ding tugunan ang mga kahirapan ng mga electric cooperative sa pagkuha ng supply-assessment ng franchise areas na mababa ang demand para maabot ang mga lugar na mas kumikita.
Maaaring payagan ang mga matagumpay na electric cooperatives na kunin ang mga franchise area ng mga low performing electric coops.
Bukas sa organizational meeting ng Committee on Energy sa Senado ay inaasahan na tatalakayin din ang kontrobersyal na EPIRA Law na nabanggit sa SONA ng Pangulo.