ISANG matagumpay na Brigada Eskwela ang isinagawa sa Jose T. Quiboloy Sr. National High School mula Hunyo 9 hanggang Hunyo 13, 2025, kung saan sama-samang nagkaisa ang mga mag-aaral, magulang, guro, at iba’t-ibang sektor ng komunidad upang paghandaan ang nalalapit na pagbubukas ng klase.
Kabilang sa mga aktibong nakiisa ay ang Kingdom of Jesus Christ at ang ACQ College of Ministries, Inc., na buong puso ang pagtulong sa paglilinis at pagpipinta ng mga silid-aralan at iba pang pasilidad ng paaralan.
Nakiisa rin ang mga magulang, kasalukuyang mga mag-aaral, at maging ang ilang alumni ng paaralan. Patunay ito ng pagkakaisang komunidad at ang patuloy na pagpapahalaga sa edukasyon.
Samantala, nagpaabot din ng tulong ang Jose Maria College Foundation, Inc. sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga pintura para sa F. Bustamante National High School at Elementary School. Layunin ng kanilang donasyon na higit pang mapaganda at mapaayos ang mga silid-aralan upang makalikha ng mas kaaya-ayang kapaligiran para sa mga mag-aaral at higit na mapalakas ang kanilang pagkatuto.
Ang Brigada Eskwela ay taunang aktibidad ng Department of Education na layuning ihanda ang mga paaralan bago ang opisyal na pagbubukas ng klase. Sa Jose T. Quiboloy Sr. National High School, naging higit pa ito sa simpleng bayanihan – isa itong tagpo ng malasakit, pagkakaisa, at pagmamahal para sa edukasyon ng kabataan.