Matataas na opisyal ng NCRPO, negatibo sa drug test

Matataas na opisyal ng NCRPO, negatibo sa drug test

NEGATIBO ang resulta ng drug test sa lahat ng mga heneral hanggang sa full pledged colonels ng National Capital Region (NCR).

Batay sa screening ng PNP Crime Laboratory Field Office ng National Capital Region Police Office (NCRPO), wala ni isa sa mga matataas na opisyal nito ang nagpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Kasunod ito ng isinagawang surprise random drug test sa lahat ng third level officers ng kanilang hanay kasabay ng paghahain ng courtesy resignation bilang tugon sa panawagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pagbibitiw kung sila ay may kaugnayan sa iligal na droga.

Nauna nang sinabi ni NCRPO chief PMGen. Jonnel Estomo na kumpiyansa siya sa kanyang mga tauhan na walang gumagamit at walang kinalaman sa anumang transaksiyon sa iligal na droga sa bansa.

Sakali man aniya na lumabas na positibo ang mga ito, agad niya ipasisibak sa pwesto at kahaharapin ang karampatang parusa laban sa mga sangkot na pulis.

“From the beginning, I am with the PNP leadership in cleansing our ranks of the drug protectors and scalawags. As I formerly said that should there be anyone found to be positive of illegal drugs, he is automatically deemed resigned from the service immediately. Fortunately, none of the officers with me yielded positive results of the test,” ayon kay PMGen. Jonnel Estomo, chief, NCRPO.

Naniniwala si Estomo na ang nasabing resulta ay pagpapakita lamang na wala silang itinatago.

At buo ang kanilang suporta sa magandang layunin na ito ng pamahalaan na linisin ang hanay ng kapulisan partikular na sa isyu ng iligal na droga.

“This is a positive starting indicator to this noble purpose of our DILG and our Chief PNP in purging the organization,” dagdag ni Estomo.

Samantala, nilinaw ng Metro Manila Police na ginawa nila ang random drug testing hindi dahil sa may panawagan sa kanila ang pamahalaan.

Kundi isang hakbang ito na matiyak na hindi nababahiran ng iregularidad ang kanilang hanay at walang makaliligtas dito.

“It is important to emphasize that those who tendered courtesy resignation are not drug users. This would reinforce the 5-man assessment committee on their evaluation to be carried out. On the other hand, this may serve as a stern warning to all policemen in the region. No one can run or hide with the continuing conduct of random drug testing,” aniya pa.

Follow SMNI NEWS in Twitter