TINAWAG na terorista ng isang alkalde sa probinsiya ng Samar ang CPP-NPA dahil na rin sa karahasang naranasan ng kanyang bayan sa Matuguinao.
“Hindi pwedeng hindi tawagin silang terorista,” ang matapang na paninindigan ng alkalde ng munisipalidad ng Matuguinao, Samar.
Sa programang Laban Kasama ang Bayan, inihayag ni Matuguinao Mayor Aran Boller ang naranasang karahasan mula sa kamay ng mga komunistang teroristang grupong Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
“Mula pa noong bata pa ako, hindi umunlad ang bayan ng Matuguinao. So, sabi ko dahil sa presensya ng CPP-NPA, kasi ‘pag may mga proyekto hindi makarating ng malayo, ayaw nila na magkaroon ng programa ang gobyerno doon sa malalayo. ‘Pag may nagsu-survey, pinapabalik. ‘Yung opisina nga namin ngayon, kapag nagsu-survey doon, pinababalik, kinukuha ‘yung mga gamit, ‘yung cellphone, lahat kinukuha para hindi sila matuloy, ‘yung makakuha sila ng data sa mga barangay. So kailangan na talagang tapusin ‘to,” pahayag ni Mayor Boller.
Dagdag pa rito, ibinahagi ng alkade ang kanyang karanasang pang-aambush ng mga rebeldeng komunista.
“Ako, pinagtangkaan ako, inambush ako sa Catbalogan City. ‘Yung pagpatay sa mga sibilyan na napaghinalaan nilang informer daw ng military. Yung mga barangay officials, mag-eeleksyon, hinihingan, tini-terrorize, tinatakot. Ang daming pinatay na sibilyan na walang kamuwang-muwang, walang kalaban-laban sa Matuguinao. So, ‘yung inambush na dalawang mayor ng Matuguinao. ‘Yung isa, nagka-campaign lang. ‘Yung isa, kinukuha ‘yung patay na Sangguniang Bayan, pinuntahan ng mga mayor, pagbalik, inambush, more than 5 person ‘yung namatay. So, bakit sasabihin hindi terorista ‘yung NPA?” ayon pa ni Mayor Boller.
Ani Mayor Boller, dapat talagang tawaging terorista ang CPP-NPA-NDF.
“Dapat tawagin na terorista dahil ito ay walang naitutulong sa taong-bayan ang CPP-NPA kundi manloko lang at mailagay sa alanganin ‘yung mga buhay ng mga tao at ginugulo ang tahimik na barangay, ginugulo. Pupunta sila doon, mag-o-organize, ganito, ganito. Tapos may darating na sundalo doon, ia-ambush. Tapos ‘pag halimbawa na gusto na talagang magbago, pinapatay. So, hindi ‘yun gawain ng tunay na may prinsipyo, gawain ‘yun ng terorista,” ani Boller.
Kaya naman, dagdag pa ni Mayor Boller, patuloy siyang lalaban upang magkaroon ng pag-unlad ang bayan na kanyang nasasakupan.
“Ang laban ko dito, kung bakit ako lumalaban kasi gusto kong umunlad at magkaroon ng magandang kinabukasan ‘yung mga taong-bayan ng Matuguinao hindi lang along the highway na mga municipalities. Bakit sa mga liblib na lugar hindi kaya? Kailangan talaga lumaban para magkaroon ng direksyon ang buhay ng tao doon sa amin sa Matuguinao,” ayon pa ni Boller.
Sa huli, nanawagan ang alkalde sa kapwa lingkod-bayan na huwag matakot bagkus ay bigyang pansin ang good governance o maayos na pamamalakad at suportahan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
“Sa mga taong lingkod-bayan naman, chief executive sa bawat bayan ng Pilipinas, huwag tayong matakot dahil gusto natin ng mga pagbabago, gusto nating umunlad lalo na kaming mga GIDA municipality. Labanan ito para matapos na, mamuhay nang tahimik ang taong-bayan ng bawat bayan natin. So, mabigyan ng pansin dapat ng gobyerno kung ano ang nararapat lalo na kaming mga GIDA municipality. Tuluy-tuloy ang laban, ‘di ko talaga iiwanan ang Matuguinao hangga’t hindi talaga makita ko kung umuunlad,” dagdag nito.