TUTUKAN raw sa pagbabalik sesyon ngayong araw sa Kamara ang mga panukala na may kaugnayan sa programa ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, 34 na legislative priorities ang kanilang tututukan ngayong balik na ang sesyon.
Kabilang dito ang dalawang panukala ni Velasco na layong suspendihin ang scheduled increase sa contribution rate ng PhilHealth at SSS ngayong taon.
Sa halip, nais ng liderato na matiyak na lahat ng pondo na nakalaan para sa COVID-19 vaccine ay mapapakinabangan ng lahat ng Pilipino.
“Our goal is to make sure that every Filipino will have access to safe and effective vaccine, which is currently the best way for us to beat the virus and move forward,” pahayag ni Velasco.
Ang Kongreso, nasa P72.5 Billion ang inilaan sa pambansang pondo ngayong taon para sa bakuna.
Iba pa ang P2- Billion na inilagay para pambili ng personal protective equipment o PPE na gagamitin ng mga health worker.
Nitong nakaraang buwan, sinabi ni Velasco na nasa P50 million ang budget para sa mass vaccination kapag available na ang bakuna sa bansa.
Para naman kay AKO- Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin, dapat makamit ang herd immunity sa Pilipinas sa lalong madaling panahon gamit ang bakuna.
Mungkahi ng kongresista na magkaroon na ng herd immunity bago ang April 2022 deadline para matiyak ang ligtas na pagdaraos ng May 2022 elections.
Pangamba nito na baka walang makakaupong opisyal sa susunod na termino kung hindi makakamit ang herd immunity- bagay na dapat pagtuunan ng pansin ng lahat ng opisyal.
“No mayor, governor, barangay chairperson, or other elected LGU official will get another term if only half of their constituents get vaccinated. They and neither are we in Congress that insane to commit political suicide with the DILG suggestion of 50 percent vaccination of the LGU population,” ayon kay Garbin.
Mungkahi din nito na isali ang lahat ng Comelec personnel sa mga prayoridad na mabigyan ng bakuna.
Presyo at availability ng bakuna, tututukan
Samantala, sesentro ang imbestigasyon ng House Committee on Health ngayong araw sa availability at presyo ng bakuna.
Ayon kay Committee on Health Chairman Helen Tan, puwede nilang pag-usapan ang actual price ng mga bakuna sa isang executive session.
Ito ay dahil sa confidentiality agreement sa pagitan ng manufacturer ng bakuna at ng pamahalaan.
“It’s important that we learn whether the vaccines procured are as cost-efficient as they are safe and effective,” ayon kay Tan.
Nais din nilang malaman sa Kamara kung puwede bang makapamili ng brand ng COVID-19 vaccine ang mga Pilipino.
“We would also like to inquire whether Filipinos will be afforded the opportunity to choose and purchase out-of-pocket their choice of vaccines, and how much these will cost for those who would choose this option,” kuwestyon ni Tan.
Ipinatawag sa hearing ngayong araw sina Health Secretary Francisco Duque III, National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer and vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr.